12 November, 2009

Ondoy: Medical Mission

Halos isang libo at dalawang daang residente ng San Mateo ang napagsilbihan ng nasabing Medical Mission - libreng check-up, gamot at relief goods. Mahaba ang naging pila sa kalsada, halos umabot na sa aming munisipyo. Nagtiyaga silang pumila mula umaga hanggang inabot na sila ng kasikatan ng araw.

Na-assign ako para maglista ng pangalan, edad at tirahan ng mga magpapa check-up. May isang nanay ang lumapit na nakaluwa na ang dalawang dibdib dahil bini-breast feed niya ang kanyang anak. Hindi ko siya matingnan dahil naiilang ako. Nakayuko akong nagtanong, “A-ano po ang pangalan nila? S-saang barangay po nakatira?”

May inilaang drinking station ang kumpanya para sa mga nauuhaw. May isang matandang babaeng hindi na natiis na humingi sa akin ng pagkain. Nahihilo na raw kasi siya. Binigyan ko siya ng sandwich at inumin. Masaya siyang nagpasalamat.

Akala ng mga tao, isa akong doktor. Kung ano-ano na ang sinasabi nila tungkol sa sakit ng anak nila, na kesyo hindi bumababa ang lagnat, na nahihirapang huminga dahil sa sipon, na matigas ang ubo mula pa noong bagyo. Hindi ako makasingit para sabihing, “Hindi po ako doktor. Volunteer lang po ako. Nasa loob po ang doktor.” Natatawa na lang sila.

Naobserbahan ko na may kanya-kanyang istilo ang mga doktor. Mayroong mabilis mag-diagnose (Ano’ng sakit mo? Lagnat lang. O eto ang dapat mong inumin. Next…). Mayroon namang matagal mag check-up. Nakakalima na yung iba, siya isa pa lang.

May inilaang express lane para sa mga emergency cases at para sa mga senior citizen. May mga mapagsamantala rin na sasabihin, animnapung taon na sila eh mukhang bata pa naman. May iba na inuna mo na nga dahil senior citizen, makukuha pang sumingit sa pila patungo sa nars at doktor. Ggrrr!


Sari-saring ingay ang maririnig sa paligid – kuwentuhan at reklamo ng mga naghihintay, iyakan at harutan ng mga bata, maging ang pagsaway ng mga nanay. Ang saya-saya! May iba na hindi magkandaugaga sa bitbit na mga anak, na halos matumba na at masilipan dahil sa kakatuwad. Sari-sari na rin ang amoy sa paligid.


May isang binatilyong pasyente doon na inuna naming dalhin sa doktor kasi may lagnat. Natibo daw habang nangangalakal ng basura. Matapos macheck-up, nakita ko siyang nakaupo pa rin sa sulok, hapong-hapo. Tinanong ko kung bakit. Nasa pila pa raw sa labas ang nanay at kapatid niya. Huhugutin ko sana sa labas ang pamilya niya para macheck-up na rin ang mga ito at makauwi na sila pare-pareho. Kinwestiyon iyon ng aking pinuno. Hindi raw tama. Hindi ko siya sinunod kasi naaawa na ako sa bata.

Pagkatapos niyon, masaya na malungkot akong umuwi. Masaya dahil maraming natulungan ang kumpanya. Masaya kasi may bitbit din akong mga gamot para sa mga anak ko. Malungkot kasi nakita ko na marami ang naghihirap. “Lord, help them…”

0 comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...