Mga ala-una ng hapon, sa gitna ng bahang aabot hanggang baywang, binagtas ko ang daan patungo sa amin. Sa may gitnang bahagi ng kalsada ako dumaan dahil maraming bukas na kanal sa mga gilid. Bitbit ko ang isang plastic bag na pinaglagyan ko ng wallet at cellphone (iniwanan ko na ang aking bag sa opisina).
Marami akong nasasalubong na mga tao palabas ng main road. Mayroong magkakasama, may nag-iisa. Babae, lalaki, bata, matanda. Binati ko pa nga ang isa ng “Mag-ingat po kayo.” Bagama’t hindi kami magkakilala, ngumiti siya at nagpasalamat.
Noong una, naisip ko na ang pangyayari ng araw na iyon ay magiging isang adventure, para sa akin at sa mga anak ko. Binalak ko na pagdating ko sa bahay, yayayain ko sila para lumusong sa baha. Para maranasan nila. Minsan lang ito mangyari. Ligtas naman siguro, hanggang baywang lang naman ang tubig. Kakargahin ko na lang si Bunso.
Pagdating ko sa may Daang Tubo, maraming tao ang nagkakagulo. Doon sa basketball court at sa barangay hall nag-ipon-ipon ang mga tao, bitbit ang kani-kanilang mga gamit. Marami ring sasakyan ang nakahimpil doon – jeep, kotse, tricycle. Umaasa akong mayroon akong makikitang kakilala at masasabayan pauwi.
May tumawag sa akin. “Kuya, huwag ka nang tumuloy. Malakas ang agos. May tinatangay pang mga yero at kahoy. Delikado.” Si Jomar, anak ng kapitbahay namin. Sabi ko, “Gusto ko nang umuwi. Kaya ko naman siguro.”
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Malakas nga ang agos, kakulay ng kape na may creamer. Galing sa bundok ang tubig at putik. Noon pa man, sa kalsada na dumadaloy ang tubig baha sa amin dahil barado na ang mga kanal. At mayroon pang quarrying activity sa itaas. Kahit kailan, hindi umayos ang kalsada sa amin.
Nagsimula akong matakot ng muntik-muntikan na akong mabuwal dahil sa lakas ng ragasa ng tubig. Wala akong kasama. Wala rin akong kasunod na naglalakad. Malapit na ako noon sa may maliit na tulay. Umaapaw na ito dahil sa lakas ng agos ng tubig. Nagpasya akong magtungo sa gilid ng kalsada, kahit alam kong maaari akong mahulog sa mga butas na imburnal.
Kinapa-kapa ng paa ko ang dinadaanan ko sa gilid. Nakahawak ako sa pader, parang si Spider Man. Natatanaw ko ang mga tao sa may tulay. Mayroon doong paradahan ng mga truck. May bakod ito pero nakabukas ang gate. Doon nakatayo ang mga tao. Gusto kong humingi ng tulong sa kanila. Pero malapit na rin naman ako kaya nagpatuloy na lang ako. “Makarating lang ako doon sa tulay, ligtas na ako.”
Sa wakas, nakarating din ako sa gate ng compound. Nakatanaw sa baha ang mga tao, hindi aabot sa sampu ang bilang. May ilang sumubok na suungin ang agos. Subalit pagdating sa gitna ng tulay, halos ibuwal na sila ng tubig. Gumilid sila, nanatili doon, pagkatapos ay bumalik sa aming kinalalagyan.
Sa may likuran ko, narinig ko ang tinig ng isang matandang babae na may pag-aalala sa boses. Nasaan raw ba ang mga tauhan ng barangay para magbigay ng tulong. Bakit daw walang mga truck na puwedeng sakyan ng mga tao palabas. Lumingon ako at nakilala ko siya. Nanay siya ng matalik kong kaibigan noong high-school.
Pagkakita niya sa akin, paimpit siyang umiyak. Sa tabi ng creek ang bahay nila. Gusto raw niyang ilikas ang kanyang mga apo. Tinanong ko kung nasaan ang mga bata. Sabi niya, nasa loob ng mga truck na nasa loob ng compound. Sinabi ko sa kanya na manatili na lamang sila doon. Mas ligtas sila doon kaysa makipagsapalaran sila sa agos.
Pinapasok kami ng may-ari ng compound sa loob. Nadatnan namin doon ang limang bata, naglalaro pa sa ulanan. Sinabihan ko sila na huwag silang lalabas sa gate, delikado. Nagtungo na lamang sila sa isang sulok. Noong una, nagtitinginan lamang kami. Nagpapakiramdaman. Maya-maya, kinausap ko na sila. Malapit pala sa daluyan ng tubig ang kanilang tirahan. Lubog na sa baha ang kanilang tahanan. Sila-sila lamang ang naiwan sa mga bahay-bahay nila dahil nasa trabaho ang kanilang mga magulang.
Alam kong gutom na rin sila katulad ko. Pero wala akong dalang pagkain, kahit man lang kendi. May pera man akong bitbit, wala namang bukas na tindahan ng mga oras na iyon. May dumaang mga sundalo, mga magre-rescue, may dalang lubid. Sinabihan kami na huwag na naming tangkaing tumawid sa baha. Lalo lamang akong kinabahan.
Dumating ang iba pang mga tao sa lugar. May mga tatay rin na kagaya ko. Bakas sa mukha nila ang pag-aalala sa pamilyang nais uwian at tulungan. May mga nanay na tulala at umiiyak. ‘Yung iba naman, maingay kasi gusto na raw nilang malaman ang kalagayan ng mga anak nila. Galing din sila sa kani-kanilang trabaho.
Nag-text ako sa asawa ko, kinamusta ang kalagayan nila. Hanggang tuhod na raw ang baha sa amin. Naitaas na ang mga gamit, maliban sa mga libro na nasa ibabang bahagi ng book shelf. Naging mabilis daw kasi ang pagtaas ng tubig. Pinuntahan na raw sila ng kapitbahay naming si Kagawad Emma, na Barangay Captain na ngayon, at inalok sila na lumikas sa bahay nito. Ang isa pa naming kapitbahay, pinuntahan sila at niyayang lumikas na sa kanila. Sabi ng misis ko, kung tataas pa raw ang tubig, lilipat na sila.
Sinabi ko sa asawa ko ang kalagayan ko - na nasa may tulay ako, hindi makatawid dahil malakas ang agos. Sinabi niyang papunta na ang Tatay para sunduin ako. Gusto ko sanang sabihin na huwag na dahil delikado, kaya lang nakaalis na daw. Nag-text ako ng “Ingat kau.” Tapos, namatay na ang cellphone ko. Tahimik akong nananalangin na sana, hindi iyon ang huling text ko sa asawa ko.
Inantabayanan ko si Tatay. Tinanaw ko siya sa gitna ng rumaragasang tubig. Nag-alala ako sa kanya. May edad na rin kasi siya. “Panginoon, ingatan mo ang tatay ko.” Makalipas ang halos tatlumpung minuto, dumating na siya. Nakita kong halos mabuwal siya sa agos. Nang marating niya ang kinalalagyan ko, hinawakan ko siya agad, inakbayan. Kinamusta ko ang bahay. Maayos naman daw sila.
May dalang tungkod si Tatay na yari sa kawayan, dalawa, tig-isa raw kami. Niyaya niya akong suungin ang baha pauwi sa amin. Kayang-kaya raw namin iyon. Kahit papaano, lumakas ang loob ko dahil kasama ko siya. Sinubukan naming lumusong sa tubig at salubungin ang agos. May mga sumabay sa amin. Pagdating sa gitna ng tulay, iyon na! Naramdaman namin na gustong-gusto at kayang-kaya kaming itumba ng agos.
Napakalakas ng ragasa ng tubig. Sinasalubong kami ng mga putol na kahoy, mga lubid at kawad, mga sirang gamit. Sari-sari. Mabuti walang yero. Makalawang beses nabuwal si Tatay. Subalit sige pa rin siya sa pagsasabing tumuloy kami. Kapit-bisig at hawak ang tungkod sa isa pang kamay, patuloy naming sinubukang kalabanin ang agos. Sige lang, pinilit naming gumawa ng ilang hakbang pa. Pero hindi talaga namin kaya. Napakalakas ng agos ng tubig. Kinakabahan na ako. Sabi ko kay Tatay, bumalik na kami dahil delikado. Sa huli, nakumbinsi ko rin siya na bumalik kami sa dulong bahagi ng tulay, sa loob ng compound.
Ilang saglit, nagsigawan ang mga tao. “May inaanod na lalaki! Tulungan ninyo!” Mabilis itong nahawakan ng isa pang lalaki at inalalayan ito patungo sa amin. Hingal na hingal at namimilipit sa sakit ang lalaki. Tinamaan daw ng malaking kahoy ang tuhod niya kaya’t nabuwal siya at inanod ng agos. Ipinakita niya sa amin ang kanyang sugat, malaki. Isa siya sa mga grupo na kasabay naming lumusob sa baha sa tulay. Sabi ko kay Tatay, “Mabuti at bumalik tayo. Kung hindi…”
Subalit hindi pa rin mapakali si Tatay. Gusto na rin siguro niyang makauwi dahil walang ibang lalaking naiwan sa bahay. Subukan raw naming dumaan sa bukid. May nagsabi sa grupo na hanggang dibdib daw ang tubig doon. Pero kahit ganoon daw, walang agos, walang mga tinatangay na kung ano-ano. Hindi ako pumayag sa gusto ni Tatay. Natatakot ako. Hindi ako marunong lumangoy. Nabasa niya marahil ang takot sa mukha at tinig ko. Hindi na niya ako pinilit.
Maya-maya, nakikita naming tumataas pa ang tubig. Ang loob ng compound na kanina’y basa lamang dahil sa ulan ay hanggang binti na ngayon ang tubig. Wala na kaming pupuntahan kung tumaas pa ang baha. Nagpasya kaming lumakad pabalik sa Barangay Hall. Doon, kahit papaano, mas marami ang taong makakasama namin. At maaari kaming umakyat sa mga palapag ng Barangay Hall. Kaya’t kapit kamay kaming lumakad, kasabay ang iba pang mga taong humimpil din sa compound. Hindi sumama sa amin ang limang bata o ang anak at pamangkin ng kaibigan ko.
Pagdating sa Barangay Hall, binati ako ng dati kong kamag-aral noong hayskul. Lumikas na rin pala sila ng kanyang pamilya sa gusaling iyon. Puno na ng mga tao sa loob, mga taga-Daang Tubo. Sumisingaw na ang iba’t ibang amoy nila sa silid. Nandoroon din ang mga gamit na kanilang isinalba - electric fan, damit, gatas at pagkain. Nanatili na lang kami sa labas ng mga silid. Sa may maliit na entablado malapit doon, may halos dalawampung motorsiklo ang naiakyat. Mayroon din doong tatlong refrigerator, dalawang washing machine, at isang cute na cute na poodle. Buti pa yung aso, naisalba.
Bigla, may isang matandang babae na emeksena. Nagsisigaw ito, humihingi ng tulong. Balikan daw ng mga nagre-rescue ang dalawa pa niyang apo sa kanilang tirahan. Nagkukumahog naman ang mga tao sa pagtatanong kung saan banda ang bahay nila. “Doon! Sa tabi ng bahay ni Aling Gonyang, yung may puno ng alatiris sa harapan!” Samantala, ang ibang bata ay naglalaro lang, parang excited pa sa kaguluhan at mga pangyayari. Subalit ang mga maliliit na bata ay umiiyak. May isa pa ngang nadumi sa saluwal. “Naku, nasaan ba ang magulang ng batang ito?!”
Kinumusta ako ni Tatay. Kung nagugutom raw ba ako. Okey lang ako, sabi ko. Nagngitian na lang kami. Kakaiba ang bonding moment namin na ito ah! Samantala, patuloy sa pagdatingan ang iba pang tao, bitbit ang kani-kanilang mga anak at gamit. May mga asong karga-karga ng kanilang mga amo. Pero may ibang aso na lumalangoy mag-isa sa tubig. Gusto ring makaligtas sa baha.
Giniginaw na ako. Hindi ko mapigilan ang panginginig ng aking bibig at katawan. Ganoon din si Tatay. Pati na rin ang lahat ng sumilong sa Barangay Hall. Naupo ako sa isang sulok. Doon, napansin ko ang isang tutubi na nagpipilit lumipad. Basa ang kanyang pakpak. Kung nababatid lamang ng tutubi ang aking isipan, maririnig niya ang mensahe ko sa kanya. “Mapapagod ka lang, Tutubi. Magpahinga ka na muna. Mag-ipon ka ng lakas. Huwag kang mag-alala, makakalipad ka ring muli...” Teka, parang gusto ko ring sabihin ito sa sarili ko ah. Na lilipas din ang lahat ng ito.
Tumingala ako sa langit at minasdan ang paligid. Malakas pa rin ang ulan at ihip ng hangin. Umusal ako ng dalangin: “Panginoon, ingatan mo kami ng pamilya ko. Sa kabila ng kaguluhan sa paligid, alam ko na naririnig mo at nakikita mo ang kalagayan ko. Iligtas mo kaming lahat na naririto. Hindi ko alam kung paano. Patigilin mo ang ulan. Pasikatin mo ang araw. Basta, ikaw na ang bahala sa amin…”
Be still and know that I am God. “Sige Panginoon, magiging payapa ako…”
Maya-maya, may sumigaw mula sa kalsada na mayroon daw sasakyan na aakyat, isang 10 wheeler truck. Dali-dali kong hinawakan ang kamay ni Tatay. Bumaba kami ng gusali at lumusong muli sa ngayo’y hanggang dibdib ng baha. Pinilit kong bilisan ang hakbang ko para makasakay kami agad sa truck pero mabigat ang tubig. Sigawan ang mga tao: “Sandali, intayin n’yo kami!”, “Tulungan n’yo kaming umakyat!”, “Teka, nasaan si Potpot!” “Lubid! Kailangan namin ng lubid sa bundok!”
Nauna akong umakyat sa mataas na truck. May mga sampung tao na ang naroroon. Kasunod ko si Tatay at iba pang mga nagnanais ding makauwi sa kani-kanilang tahanan. Lalaki, babae, bata, matanda. May nakita ulit ako na mga dating kamag-aral noong hayskul. Nagkamayan lang kami. Wala munang usap-usap gayong dalawampung taon kaming hindi nagkita-kita.
Tumakbo na ang dambuhalang sasakyan. Kahit ito, hirap hawiin at salubungin ang baha sa daan. Umiingay ang makina. Sa aming nadaraanan, may mga sumubok pang sumakay. Subalit dahil mataas ang truck at mahirap akyatin ang hagdan, sumabit na lang ang ilan. Kahit babae, pikit matang kumapit na lamang. Makauwi lang. May ibang kumakaway, humihingi ng tulong. Pero dire-diretso lang ang truck. Parang nagmamadali. Parang gusto ring makauwi.
Habang nasa truck, tanaw namin ang lawak ng baha sa paligid. Nakakapanlumong makita ang mga bahay at sasakyang lubog sa tubig. Nakakatakot masdan ang mga bagay na inaanod kasabay ng tubig. Ang mga taong nakatayo sa truck ay pawang tahimik. Marahil ay nag-iisip: “Buo pa kaya ang mga bahay namin?” “Nasa ligtas na lugar ba ang pamilya ko?” “Bakit nangyari ang lahat ng ito?”
Paghimpil ng sasakyan, mabilis din ang naging kilos ng mga tao sa pagbaba. Nag-uunahan. “Diyos ko, salamat po!”, “O, alalayan ninyo muna ‘yung mga babae.”, “Manong Driver, salamat!”. Tinulungan kong bumaba ang ilang kababaihan, kabilang na ang dati kong kaklase at ang kasama nito. Pagkatapos, naghiwa-hiwalay na kami. Bawat isa ay nagmamadaling makauwi sa kani-kanilang tirahan. Kami ni Tatay, kinailangan pang maglakad para marating ang aming mismong lugar. Tahimik kaming naglakad, hawak ko pa rin ang kanyang braso.
Pagdating namin sa bahay, hanggang hita ang tubig sa labasan. Palubog na noon ang araw. Walang kuryente. Tahimik ang kaligiran. Pumasok ako sa loob ng bahay. Nakita kong natutulog ang dalawa kong anak, samantalang ang isa ay nagbabasa sa may bintana. “Thank you, Lord!” May tubig pa rin ang ilalim ng papag. May lumulutang pa ring ibang gamit sa loob. Hinanap ko ang aking maybahay. Pumunta ako sa kusina. Doon ko nakita ang asawa ko, Niyakap ko siya kahit basang-basa ako ng ulan.
Kinumusta ko ang naging kalagayan nila. Mabuti naman daw sila. Naligo pa nga raw sa ulan at nagtampisaw sa baha ang mga bata. Hayun, napagod, nakatulog. Hinainan niya ako ng pagkain. Mainit na sabaw. Niyakap ko rin si Tatay, dalawang beses. “Salamat at ligtas tayong nakauwi. At ligtas rin ang pamilyang naiwanan natin sa bahay.” Dahil pare-parehong hapo ang katawan at isipan, nakatulog kami kaagad. Payapang lumipas ang magdamag.
Kinabukasan, umagang-umaga, nagpasya akong pumunta ng palengke, kasama ang aking panganay. Saka na ako maglilinis pagbalik ko. Ubos na ang pagkain namin. Wala na kaming magagamit na kandila. Sa labas, hanggang sakong na lamang ang baha. Maraming bahagi ay puro putik. Malagkit. Nagkalat ang basurang tinangay ng agos. Maraming taong nasa labas – mayroong pauwi pa lamang galing sa kung saan, nagpalipas ng gabi sa daan. Mayroong patungo rin sa bayan para bumili ng pagkain o kumustahin marahil ang ibang kakilala. Ang iba naman’y nag-uusyoso lang. Nakikibalita.
Sa daanan, sari-saring kuwento at balita ang maririnig mo: “Naku, inanod ng baha ang tricycle ni Pareng Caloy.” “Hanggang dibdib ang baha sa loob namin!” “Namatayan ng inahing baboy si Amang!” “Grabe! Nagka-landslide daw sa may Marang!” “Maraming preso daw ang muntik malunod sa kani-kanilang selda sa bayan!” “Naku, lagpas tao ang baha sa tabing-ilog! Tinangay ang mga bahay!” “Maraming ang nalunod sa may Burgos!” Lahat, may sariling kuwento. Bawat isa, may sariling karanasan na nais ibahagi.
Pagkagaling sa palengke, habang naglalakad pauwi, may tumawag sa akin. “Kuya! Kuya!” Paglingon ko, namukhaan ko ang batang babae na nakasama ko sa may compound, sa may tulay. Madungis pa rin siya. Pero masaya siyang naglalakad sa putik. Sumabay siya sa ming paglalakd. Kinumusta ko siya, kung ligtas ba silang lahat (ang apat pang bata at ang mga pamilya nila). Oo daw, inutusan lang siyang bumili ng sabon ng nanay niya. Maglalaba daw sila. “Mabuti kung gayon,” wika ko.
Nakakatuwa, parang walang nangyari. Buhay agad ang pag-asa sa puso niya. Balik normal muli ang buhay nila. Sa pagkakataong iyon, may dala na akong pagkain. May nabili ako sa palengke na mga kutkutin. Bago kami naghiwalay, inabutan ko siya. “Salamat, Kuya!” Pagtalikod ko, naulinigan ko siya na ibinibida sa mga kalaro niya na kilala daw niya ako, na nagkasama kami doon sa compound, sa may tulay, noong baha, noong bagyong Ondoy. Napangiti ako.
Bigla, naalala ko si Tutubi. Nasaan na kaya siya ngayon? Marahil, lumilipad na rin siyang muli…
1 comments:
grabe ! ang gnda ng story true to life tlga . :(( naiiyak ako kakaawa ung mga tao :((
Post a Comment