31 August, 2009

Isang Araw sa Bandolino

“Good morning, Willie,“ ang bati sa akin ni Cleo isang umaga patungo ako sa aking puwesto sa Accounting. Ngumiti ako at binati din siya ng “Magandang Umaga!” Ganoon din ang eksena nang makita ko si Jojie at Marissa, at ang mga kasama ko sa departamento.

“Aba, ang ganda yata ng mood ng mga tao ngayon,” pabulong kong wika habang inilalapag ang aking bag sa aking lamesa. Sinusuklay ko ang aking basa pang buhok nang marinig ko si Maricel na humihimig ng isang awitin. “Natatawa ako. Hi-hi-hi.”

Maririnig mo ang kuwentuhan kahit saang sulok.

“Ang ganda ng ‘Maalala Mo Kaya’ kagabi. Naaalala ninyo?”

“Panalo na naman ang team ko sa basketball!”

“May ni-rape na naman daw sa Marikina. Nakakatakot nang mag-OT!”

Ang sarap nilang tingnan at pakinggan. Ang lahat ay parang ang gang-gaang ng feeling.

Pagdating ng alas-nuwebe…

“Willie, paki-rush mo naman yung cheke nito.”

“Ana, line 2.”

“Jeck, tawag ka ni MGF.”

Ang kanina’y relax na kapaligiran ay parang biglang gumulo.

“Helen, kulang ang OT namin.”

“Theody, kailangan daw ng Gaisano ng sample.”

“Karen, pasingit naman sa telepono!”

Ang lahat ay parang nagmamadali.

“Joy, yung invoice ng Fitwalk?.”

“Baby, nasaan na yung repair para sa Ilanos?”

“Nasa lapat na ba yung 3099 na panlalaki para sa Metro?”

Mayroon pang nagbabanggaan sa sobrang pagmamadali. Ang mga taong kanina’y maaliwalas ang mukha, ngayo’y kunot noo na.

“Hindi pa ba napapa-extend ang Fairgroup? Ang tagal na non ah!”

“Sandali lang, puwede! Marami pa akong ginagawa!”

“Sino ba yung nasa C.R.?! Ang tagal-tagal!”

Paspasan ang trabaho, sari-saring reklamo…

“Ning-Ning, kulang na naman yung in-issue mong buckles! Lagi na lang gano’n!”

“Ano ba yan, wala na namang balat! Wala nang magawa ang mga taga-Cutting!”

“Rush, lagi na lang rush!”

Napapailing ako. Ninakaw ng ating mga trabaho ang ating saya.

Sinu-sino ba ang mga taong nalimutan nating respetuhin dahil sa init ng ulo? Ilang nilalang ang napagdamutan natin ng pansin dahil sa ating sobrang pagka-abala.

Ang bawat pagkakataon ay ibinigay sa atin ng Panginoon upang maging pagpapala sa ating kapwa. Sana sa kabila ng pressure na ating nararamdaman sa trabaho, huwag nating kalimutang ngumiti. Pagaanin natin ang trabaho ng bawat isa.

Gawin natin ang BANDOLINO na isang lugar na kaaya-ayang pagtrabahuhan para sa iyo, sa akin, at sa ating lahat.

* Pictures taken at Marikina River Park

Ang Sapateros, Official Newsletter of Bandolino Shoe Corporation

MCMXCVIII

2 comments:

Anonymous said...

Good memories...:-) Mons

Pedo said...

Thanks for dropping by, Mons.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...