14 September, 2009

Ang Buwan

Kagabi, napagmasdan ko ang buwan. Bilog, Maganda. Maliwanag, Hindi tulad ng araw na hindi matitigan. Para siyang isang mata na saan man ako’y lagi niyang sinusundan. Katulad ng Panginoon na sa tuwina’y lagi nang nakamasid at nakikita ang lahat ng aking pangangailangan.

Kaagad, naisip ko kayo. Kayong mga manggagawa diyan sa lalawigan. Marami na akong narinig tungkol sa inyo. Kung paano ang pagod na inyong nararanasan sa mahabang paglalakad para lamang makadalo sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Kung paano ang sakit na inyong nararamdaman bunga ng pag-uusig sa inyo ng mga tagariyan.

Ninais kong kayo ay makita at makatulong sa kahit munting paraan na aking makakayanan. Subalit malayo kayo. Hindi kayo abot ng aking kamay o ng aking tanaw man lamang. Kabundukan at karagatan ang nasa ating pagitan.

Nabalitaan ko rin ang inyong magandang samahan diyan. Ang masasarap na pagkain na inyong pinagsasaluhan. Ang inyong mga kuwentuhan at tawanan na pumapailanlang. Nalaman ko rin na kayo’y lumalago riyan. Kayong mga kabataan na nakatagpo ng katiwasayan sa Kanyang Kaharian.

Ginusto kong makisaya sa inyong lahat diyan. Kamayan kayo at maki-awit ng mga Salmong Makalangit. Ngunit ako’y naririto sa Kamaynilaan. At kayo’y nasa Kabikulan. Wala akong pakpak upang lumipad at magtungo riyan.

Sa aking pagtingala sa buwan, umusal ako ng isang dalangin. Na sana ay ingatan kayo ng Panginoon sa inyong gawain. Na huwag sana kayong mapagod sa inyong mga dalahin. At ipagpatuloy nawa ninyo ang inyong magandang simulain. Huwag sana ninyong tikman ang iniaalok na aliw ng kasamaan. Pagtagumpayan nawa ninyo ang tukso sa inyong dinaraanan. Manatili nawa ang kagalakan sa inyong puso sa kabila ng kapayakan ng inyong kabuhayan.

Ang buwan, tulad ng Panginoon, ay natatanaw ang lahat ng dako at naaabot ang lahat ng tao. Hiniling kong iparating sa inyo ng buwan ang aking nasa kalooban. Sa muli ninyong pagsilay sa maliwanag na buwan, damhin ninyo ang aking kamay na tumatapik sa inyong balikat. Masdan ninyop ang aking ngiti dala ng kagalakang kayo ay tumutupad sa kanyang kautusan. Dinggin ninyo ang aking pagbati sa inyong pagpapagal para sa Kaharian ng Diyos.

Ang buwan, magsilbi sanang paalala na kami’y nananalangin para sa inyo. Na mayroon kayong kapatid na nakakaalala ng inyong kalagayan. At higit sa lahat, mayroon tayong Diyos na tumutunghay sa ating bawat kilos at galaw. Hindi tayo mapapahamak dahil lagi Siyang nagbabantay.

Ang buwan. Bilog. Maganda. Maliwanag. Saksi sa ating matamis na pagtitinginan. Bigyan nawa ako ng Panginoong Hesus ng pagkakataong kayo’y mapuntahan.


Ang Sinag, Official Newsletter of Faith In Action Mission Outreach
(I was able to go there in San Miguel Islands in Tabaco, Albay in year 2002)

0 comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...