What: IntermentWho: Nanay MarcelaWhen: November 12, 2011, 10:30 amWhere: Paraiso Memorial Park
Awit:
Lubhang nagdadalamhati ang kaluluwa ko
At tigib ng kapanglawan ang aking puso
Ako'y naluluoy sa pasan kong bagabag
Lipirin mo ako lakas ay igawad
Pag-iyak ay magtatagal ng magdamag
Ngunit galak ay dumarating sa umaga
Nalalaman ko ang ibig ko'y di lingid sa'yo
Kalugdan mo ang tiwala ko at iligtas ako
Iyong tinutunghan ang aking pagdaramdam
Diyos sa iyo lamang umasa akong mainam
Dumami man ang suliranin
Ako ay iyong hanguin
Hindi na ako madadaig
Dahil sa Iyo nananalig
At tigib ng kapanglawan ang aking puso
Ako'y naluluoy sa pasan kong bagabag
Lipirin mo ako lakas ay igawad
Pag-iyak ay magtatagal ng magdamag
Ngunit galak ay dumarating sa umaga
Nalalaman ko ang ibig ko'y di lingid sa'yo
Kalugdan mo ang tiwala ko at iligtas ako
Iyong tinutunghan ang aking pagdaramdam
Diyos sa iyo lamang umasa akong mainam
Dumami man ang suliranin
Ako ay iyong hanguin
Hindi na ako madadaig
Dahil sa Iyo nananalig
- “Galak ay Dumarating”, CCM Worship Team
Tala ng buhay:
Si Lola Marcela ay anak nina Bernardo Taligatos at Ofelia Tabasa. Isinilang siya noong September 5, 1942 sa Brgy. Cajilo, Bayan ng Makato, Lalawigan ng Aklan. Panganay siya sa sampung magkakapatid na sina Flordeliza, Renato (+), Nympha (+), Celia, Elenita (+), Florita, Felber, Bella at Lorifel (+).
Taong 1958, sa edad na labing anim, lumuwas si Lola Cela ng Maynila para magtrabaho. Una siyang namasukan bilang kasambahay sa kanyang mga kamag-anak. Naging kawani rin siya sa isang pabrika sa Mandaluyong at maging sa San Juan. Hanggang sa mapasok siya bilang mananahi noong 1963 sa Phil Gloves, Inc., patahian ng mga guwantes sa may Concepcion, Marikina. Nagtrabaho siya roon hanggang sa magsara ito noong 1989.
Noong 1962, nakilala niya sa Maynila ang aming Lolo Nonoy na kanya ring kababayan sa probinsya ng Aklan. Ikinasal sila noong December 13, 1964 sa Christ the King Church sa Project 7, Quezon City. Biniyayaan sila ng limang anak: sina Maria Theresa, namatay rin pagkasilang noong 1965; Tonette, ipinanganak noong June 13, 1966; Annie, ipinanganak noong September 5, 1969; Junior, ipinanganak noong August 1, 1972; at Glenda, ipinanganak noong June 5, 1982 subalit namatay rin pagkalipas ng pitong buwan.
Nanirahan sina Lola Cela at Lolo Nonoy, kapiling ang kanilang mga anak, sa San Francisco Del Monte, Quezon City, noong ikinasal; sa Mandaluyong, mula 1964 to 1967; sa Little Baguio, San Juan, mula 1967 to 1976; sa Cupang, Antipolo, mula 1976 to 1980; sa Marikina Heights, Marikina, mula 1980 to 1984; at dito sa San Mateo, Rizal, mula 1984 hanggang sa kasalukuyan.
Habang nagtatrabaho noon sa pabrika, at maging pagkatapos niyang mag-resign doon, sari-saring trabaho at pagtitinda rin ang kanyang ginawa upang tulungan ang aming Lolo Nonoy na itaguyod ang kanilang pamilya: nagtinda siya ng mga kutkutin sa kanyang mga katrabaho sa pabrika (mani, kornik, butong pakwan), nagtinda siya ng T-shirts na kanyang hinahango sa Pasig Market, nanahi ng mga bag at wallet, nanahi ng basahan at doormat, at nagtinda ng meryenda (turon, banana que, okoy) at ulam. Ganito kasipag ang aming Lola Cela.
At nito ngang buwan ng Agosto, taong kasalukuyan, ay napansin ng kanyang pamilya ang pagkakaroon ng bukol sa leeg ni Lola Cela. Buwan ng Setyembre, tatlong beses siyang na naipa-check up sa Amang Rodriguez Hospital sa Marikina City. Panay na ang kanyang pag-ubo noon at hirap na siyang lumunok ng pagkain, gamot at maging ng tubig. Noong October 5, isinugod siya sa nasabing ospital dahil sa nahihirapan na siyang huminga. Hypothyroidism ang initial diagnosis sa kanya. October 10, inilipat siya sa ICU at isinailalim sa maraming pagsusuri.
Nung naglaon, napag-alaman na thyroid cancer ang tunay na sakit ni Lola Cela. Tinapat na ng mga doktor na hindi maganda ang kalagayan ni Lola Cela, na maaring hindi na siya magtagal. Sinikap na lamang ng mga doktor na mapauwi si Lola upang makapiling nito ang kanyang pamilya. November 5, eksaktong isang buwan niya sa ospital, naiuwi siya sa kanyang tahanan. Makalipas ang labing isang oras, alas tres ng madaling araw noong November 6, habang nakapaligid sa kanya ang kanyang asawa at tatlong anak, tuluyan nang kinuha ng Panginoon si Lola Cela.
(binasa ng mga apong sina Anne, Grace, King, Ruth & Pete)
Eulogy:
“Nagkakilala kami ni Marcela sa Phil. Gloves. Doon kami naging matalik na magkaibigan. Kilala ko ang kanyang pamilya, kilala rin niya ang aking asawa’t mga anak. Naging napakabait niyang kaibigan. Kahit minsan, hindi kami nag-away niyan.”
- Ligaya, matalik na kaibigan
“Mami-miss namin ang aming Ate – ang kanyang paggabay at pagtawa. Lagi siyang nariyan para sa amin. Napakabait niya sa aming lahat.”
- Baby, isa sa mga kapatid
“Lola, salamat sa sobra-sobrang pagmamahal na ibinigay mo sa amin. Salamat dahil hindi ka nawala sa tabi namin. Salamat sa pagtuturo sa amin ng tama. Hinding-hindi ka namin malilimutan, Lola. Ang goto mo sa umaga, ang banana que at turon mo sa meryenda, ang sinigang na bangus at paksiw mo sa hapunan, ay lagi naming maaalala. Salamat, Lola. Sa pagdamay, sa pagsabay sa tawanan at kalungkutan, sa walang sawang pag-aaruga, at sa pag-iintindi. Salamat sa pagpayong sa amin, umaraw man o umulan. Mami-miss ka namin, Lola. Alam naming masaya ka na sa langit kasama ang Panginoon. Mahal na mahal ka namin, Lola. Maraming salamat sa lahat.”
- Joy, panganay na apo
“Noong nandoroon kami sa ospital, laging sinasabi ng mga tao at nurses doon na napakapalad raw ng nanay namin sa amin, dahil hindi namin siya pinababayaan. Na lagi namin siyang binabantayan. Pero sa isip ko, sinasabi ko, that that is what my Nanay deserves… Dahil napakabait niya sa amin. Kaya kahit hirap na hirap na kami noon habang naka-confine sya, … sige lang. Because Nanay deserves the best from us. Ganoon siya kabait na magulang... Mami-miss natin siya, pero alalahanin na lang natin yung mga magagandang bagay na naranasan natin kapiling siya. Masaya na siya sa langit, kapiling ang Panginoon.”
- Junior, bunsong anak
“Nagpapasalamat ako dahil nagkasama kami sa mahabang panahon. Kahit minsan, … hindi kami nagkahiwalay o nag-away. Masaya kami, kapiling ang mga anak namin.”
- - Fred, mahal na asawa
Thanksgiving:
“Sa lahat ng nakiramay sa amin, sa mga nagdasal at tumulong, maraming-marami pong salamat. Ang Diyos na po ang bahala sa inyong lahat.”
- Tonette at Annie, mga anak
Epitaph:
MARCELA TABANERA
September 5, 1942 – November 6, 2011
“The Lord has you in his divine keeping.”
2 comments:
I miss you lola.. :')
Ante Marcela sigurado nasa piling ka po ni Lord. Napaka bait nyo pong Tiyahin..We will miss you always.
Post a Comment