31 May, 2012

Sulat kay Nanay At Tatay



Nanay, Tatay
Sa aking murang gulang,
hayaan ninyo akong kayo ay pasalamatan.

Salamat sa malambot na unan
at mabangong higaan.
Sa payak at malinis na kagamitan,
sa maayos at masayang tahanan.

Salamat sa masarap na sinangag sa umaga, 
sa malamig na inumin sa tanghali,
at sa mainit na sabaw sa gabi.

Salamat sa mga pabaong pagkain at paalala,
sa pagbili ng ballpen, notebook at iba pa.
Sa panonood sa akin kung may pagtatanghal sa eskwela,
sa pagpayag na sa fieldtrip ay makasama.

Salamat sa pamaskong damit,
sa unipormeng hindi masikip.
Sa jacket tuwing panahon ng tag-lamig,
sa pamaymay at payong kung tag-init.

Salamat sa pagtuturo sa akin ng abakada,
sa pagtulong sa paggawa ng asignatura.
Sa pagtapos ng mga proyekto sa eskuwela,
at sa pagtitiyagang gisingin ako sa umaga .

Salamat sa alaalang hatid ng mga larawan,
ng mga lugar na ating pinuntahan.
Sa pagpasyal sa Jollibee at McDo kung minsan,
sa mga munting luho at hiling na inyong pinagbibigyan.

Salamat sa yakap at pagdamay kung may dinaramdam,
sa haplos at halik kung may karamdaman.
Sa pagpawi ng poot at lungkot minsan,
sa pagtuturo sa aking ngumiti at harapin lang ang laban.
 
Kung ako ma’y hindi sumusunod sa pinag-uutos n’yo minsan,
kung ako ma’y sumasagot sa inyo ng pabalang at nangangatwiran,
nais kong inyong malaman
na labis ko iyong pinagsisisihan.

Maaaring hindi ko kayo nauunawaan minsan,
hindi nabibigyang halaga ang ginagawa n’yo para sa aking kapakanan.
Ako sana’y inyong pagpasensiyahan,
hindi ko nais na ang damdamin ninyo’y masaktan.

Kaya nga’t sa inyo, ako’y nakikiusap
Sa paglalakbay ay patuloy n’yong samahan,
Patuloy na ituwid ang mga maling kaisipan,
Patuloy na gabayan sa pagharap sa kinabukasan.

Marami pa akong hindi nalalaman,
may takot pa rin akong nararamdaman.
Hindi ko pa kayang mag-isang makipagsapalaran,
Ako’y bata pa po lamang,
lubos ko kayong kailangan.

Nanay, Tatay,
Nahihiya man akong sabihin minsan,
dahil baka isiping baduy ng aking mga kaibigan,
Nais kong inyong malaman na...
 “Mahal na mahal ko po kayo!”

Itong aming nakamit na karangalan,
iniaalay namin sa inyo.
Di nga ba’t kayo ang unang nagsabi
at naniwalang magaling ako?
O, huwag na kayong magtalo,
kung ako’y nagmana kanino
Basta, tanggapin n’yo ang pagpupugay ko.
Isang matikas na pagsaludo!

Note:  Read by my son, Pete, during the awarding of RPLAI scholars for SY 2012-2013.  I've searched the net for a material that he could read, parang tugon doon sa sumikat na Sulat ng Magulang sa Anak.  Kaya lang, hindi appropriate for his age yung laman ng liham na nakita ko.  So I decided to make my own version.

0 comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...