10 November, 2010

Wala Lang...

Noong nakaraang Sabado, maaga kaming nagising ng anak ko. Iyon kasi ang araw ng kanyang entrance exam sa isang science high school. Tinanong ko siya, “Ano, tutuloy pa ba tayo?” Hindi kasi siya masyadong nakapaghanda. Katatapos lang ng periodical exams nila at marami pa siyang projects na tinapos. Bagamat may mga nahiram akong reviewers para sa kanya, hindi namin nabuklat lahat iyon. Noong nakaraang gabi nga lang kami nag-review ng Percent and Ratios. Ayoko rin naman siyang puwersahin. Kawawa naman kasi.

Pag nire-review ko nga siya, tinatanong niya ako: “Bakit ba kailangan kong mag-exam doon? Eh sabi mo, malayo naman yung lugar. At tsaka, mahirap namang makapasa, sabi mo.” Lagi ko siyang sinasagot ng, “Wala lang…” Wala talaga akong maisagot. Bakit nga ba? Siguro, gusto ko lang maranasan niya kung paano ang entrance test doon. Na may maikukuwento siya tungkol doon pagdating ng panahon. Na kahit papaano, nag-qualify siya para kumuha ng examination.

Nagngitian lang kami. “Sige, tuloy na tayo”, sabi ko. “Basta gawin mo lang ang lahat ng makakaya mo. Kung pumasa, eh di maganda. Kung hindi, ok lang.” Masaya naman siya. Dagdag ko pa, “Basta i-enjoy mo na lang. Iti-treat kita pagkatapos.” Tapos, nanalangin kami.

Pumunta ng palengke ang asawa ko kaya ako ang naghanda ng kakailanganin ng anak ko. 2 Pencils – check! Eraser and sharpener – check! School ID – check! Examination Permit – check! Snacks – Naku, wala pa! Ang sabi ko, “Mamaya na lang, bumili na lang tayo sa daan.”

Mga alas-nuwebe y medya, umalis na kami ng bahay. Mahirap na kasing mahuli, baka hindi siya papasukin. May reminder kasi sa permit na, “Be sure to be at the testing center by 12 noon”. Ok, no problem. Sumakay na kami ng jeep, sa may unahan, sa tabi ng drayber. Muntik pa kaming banggain ng isang truck na tumuloy pa rin kahit “Stop” na sila. Mabuti na lang at nakapagpreno ang jeep namin. “Lord, tutuloy pa ba kami…

Pero napaaga talaga kami. Wala pang alas-onse, nasa Philcoa na kami. Kaya niyaya ko muna ang anak ko sa Jollibee para mananghalian. Pampalipas oras na rin. Binilhan ko na rin siya ng french fries para baon niya. Kuwentuhan pa rin kami habang inoobserbahan namin yung mga ibang kumakain. Nagtatalo kami kung ano ang relasyon ng magkaparehang kumakain katapat namin. Sabi ko, magsyota ‘yon. Sabi niya, hindi raw kasi mukhang mas may edad yung babae. Baka daw magkapatid.

Pagkatapos kumain, nag-ikot-ikot pa kami sa paligid ng maliit na mall. Maaga pa rin kasi. “Saan pa ba kami gagala?” Sabi ng anak ko, dumiretso na kami sa school at doon na lang maghintay. Sabi ko, “Baka naman isipin ng iba, excited tayo masyado.” Pero pumayag na rin ako sa huli. Sumakay na uli kami ng dyip. Pagbaba, naglakad kami imbes na mag-pedicab. Gusto rin kasi ng anak ko. Marahil, gusto niya ng ilang sandali pa para makag-relax at mag-isip.

Malayo pa lang kami, nakita na namin ‘yung mahabang pila. “Patay, ang daming tao!” Noon ko lang rin napansin na ang mga sasakyang akala ko’y nata-traffic lang ay mga nakahimpil na pala. Nasakop na nila ang dalawang lane ng Agham Road. Mga kotse iyon ng magulang ng mga batang kukuha rin ng exam. “Mayayaman naman ang mga ito, may pambayad sa mga ekslusibong paaralan para sa hayskul, bakit gusto pang makisiksik sa government school na ito?” Ako rin ang sumagot sa tanong ko, “Dahil siguro sa prestige ng school …”

Nagmadali na kami. “Come on, let’s go. We don’t want to be late. Hurry!” Sabi ng anak ko, “Tatay, bakit nag-i-ingles ka na ngayon?” “Ganoon talaga,” sabi ko, “you have to adjust to your surroundings. A lot of people here speak English so we should also speak in English, right?” Natatawa ang anak ko. “Mamaya, you talk to your seatmates in English, ok. Promise me, baby girl?” Sabi ng anak ko, “Tatay, ano iyang nasa ilong mo?“. Sagot ko, “Ah, ito, dugo anak. Nagka-nose bleed na ako kaka-ingles!”

Halos tumakbo kami patungo sa dulo ng pila. Grabe, ang haba! May nakita kaming kaklase niya. Binati ko ang nanay nito habang nagngitian naman ang mga anak namin. “Let’s hurry!” utos ko sa anak ko. Pagdating namin sa dulo, sandali kong minasdan ang mga batang makakasabay ng anak ko sa pagsusulit. Sari-sari ang itsura nila - may maliliit (parang mga bata pa talaga, na parang may sapin pa ng tuwalya sa likod), may malalaki (na parang dalaga at binata na kung pumorma), at may napakalaki (na mapagkakamalan mong tatay o nanay, kung hindi mo titingnan ang mukha. Katakot!).

Kanya-kanyang bilin ang mga magulang: “O anak, huwag kang kakabahan hah.” “I-shade mong maigi yung answer sheet.” May iba naman: “Yung ID, ilabas mo na, ano ba?!” “Lukot na ‘yang permit mo. Talaga naman o!” (may bawas ba sa grade ang lukot na test permit?). At yung isang nanay sa unahan namin, na mayaman siguro kasi maraming alahas, kinausap yung anak niya. Ang sabi, “Are you ok?”, sabay hagod sa likod ng anak nito. How sweet! Ginaya ko din tuloy. Binulungan ko ang anak ko, “Are you ok, anak?” Natawa siya.
Grabe talaga ang dami ng tao. Nine hundred ninety nine silang mag-e-exam sa hapong iyon. Noong umaga, ganoong bilang din ang sumabak sa madugong pagsusulit. “Dalawang libong examinees?! Ang dami nila. Paano pa makakapasa ang anak ko.” Ganito kadami ang mga magulang na bilib sa mga anak nila! Ganito kadami ang naniniwala o umaasang makakapasa ang mga anak-anak nila! Tinanong ko tuloy ulit ang sarili ko kung bakit ko pa isinabak dito ang “baby” ko.

Tinatanaw ko yung mga nakapila na sa loob ng quadrangle. Marami-rami na. Hindi ko namalayan, hinarang na ako ng guwardiya, “Boss, hanggang dito na lang. Yung estudyante na lang ang papasok.” “Ganun?! Sige, anak, dito lang ako.” Hindi man lang ako nakapag-final goodbye at huling habilin sa anak ko. Wala akong nagawa kundi sundan na lamang siya ng tingin. Nag-alala ako kasi medyo bata pa ang anak ko eh. “She’s still very fragile. But she’s on her own now. She’ll be competing with all these kids.” Pinunasan ko uli yung ilong ko. May dugo na naman eh.

Palinga-linga ang anak ko, hinahanap kung saan ako nakapuwesto. Siguro, gustong makasiguro na naroroon pa rin ako, na nandoroon lang ako kung anuman ang mangyari. Pero proud din ako sa kanya. Na napabilang siya sa mga batang naroroon. Na hindi siya nakatungo. Na parang handa na rin siyang makipagsabayan. Parang ipinapakita niyang kaya na niyang mag-isa. Nakatingala pa nga siya eh! Ay mali, maliit nga pala siya at may salamin, kaya parang nakataas-noo siyang palagi!

Nagkakagulo pa rin ang mga magulang. Siksikan na sa dami ng mga tao. Kanya-kanyang puwesto kung saan makikita nila ng mas malapitan ang anak nila. Kanya-kanyang kuha ng picture at video. Sa isip-isip ko, “Ano ba naman itong mga ito, sobrang excited! Parang magte-test lang naman ang mga anak nila. Akala mo kung mga ano na kung makaano.” Pero kung sabagay, kung dala ko rin siguro yung camera, isa rin ako sa mga nakikigulo. Nagtungo ako sa likod sumandali. May bulletin board roon kung saan nakalista yung mga examinees. Sumulyap muna ako sa paligid kung may nakatingin, tapos sinubukan kong kuhanan ng picture yung pangalan ng anak ko gamit ang cellphone. Pero hindi ko na itinuloy, natatawa ako sa sarili ko eh. “Sayang talaga, hindi ko dinala yung camera.”

May iba naman na piniling makipagkuwentuhan na lang, kinikilala ang mga katabi. Narinig kong sabi ng isa, “Anong top ng anak mo?” “Ah, Top 3…”, may pagyayabang na sagot ng tinanong. “Eh yung anak mo?”, dagdag pa nito. Siyempre, humirit naman itong isa, na parang hinihintay talaga ang pagkakataong iyon, “Top 2.” Pangiti-ngiti pa. Hay… May ibang tao talaga na akala mo sinsero sa pagtatanong, na akala mo friendly talaga, na akala mo interesado talaga sa sasabihin mo. Pero yun pala, may hidden agenda. Gusto lang palang magmalaki. Ang labo!

Narinig ko ang announcement mula sa megaphone. “Ang examination po ay from 1 to 5 pm. Siguraduhin po ninyo na may baong pagkain ang mga bata. Doon po sa mga walang naibigay na baon sa mga anak nila, maaari po ninyong ipadala o ipaabot sa mga mga marshalls natin ang pagkain ng anak ninyo.” Nagkagulo na naman. Sari-saring komosyon sa paligid. “Ano ba yan, akala ko mga dalawang oras lang ang test!” “Hindi pa nananghalian ang mga anak namin. Bakit ngayon lang sinabi.” 

Tapos, kanya-kanya na ng abot ng pagkain ang mga magulang. “Pakibigay ito dun sa #33 kay Samantha.” “Ito sa #24, kay Nicole.” May iba pa na ang sabi, “Pakibigay ito dun sa nakadilaw, dun sa dulo.” Sagot ng mga marshall, na mga kabataang estudyante rin ng paaralan, “Eh mam, marami pong nakadilaw!” Medyo naiinis na rin yung iba.

“Pakiabot naman ito kay Kobe Bryant, sa #22.” Nung tinawag yung bata, maliit pala. Tawanan ang mga nasa paligid. May iba namang marshalls na may diskarte, ini-encode sa kanilang mga cellphones ang pangalan at numero ng batang aabutan nila ng meryenda. Para hindi nga naman nila makalimutan. Pero sumisigaw pa yung iba, “Hoy, baka magkapalit ha.”

Napapaisip tuloy ako. Parang gusto kong makisali sa kaguluhan. Parang gusto ko ring mataranta. Para bang gusto ko ring tumakbo sa labas at bumili ng pagkain sa Burger Machine. “May french fries naman siya eh. Kaya lang baka kulangin yun sa kanya…” Pinigilan ko na lang ang sarili ko. “Kasya na siguro yung baon niya.”

Pero nakakahawa talaga yung iba. May isa na halos isang bag na ng grocery ang gustong ipaabot sa anak niya. Mauubos ba iyon ng bata? May iba na ang gustong ipaabot ay spaghetti na nasa styro, medyo natatapon na yung sauce. Medyo nandidiri tuloy yung marshall na mapalad na nautusan. Hehe. Bakit kasi hindi pa nila inihanda ang snacks ng mga anak nila? Malinaw namang nakalagay sa reminder na “bring snacks”. Ang lalabo!

Tapos may boses ng nanay akong narinig sa likod ko, “Makikiraan ho. Ibibigay ko lang itong meryenda sa anak ko.” Nagbigay naman ako kahit muntik na akong mabuwal dahil sa laki niya. Walang mga marshall na lumalapit, busy pa siguro o kaya ay pagod na rin. Ang ginawa nung nanay, sumigaw. “Princess! Princess!” Sari-sari ang reaksyon ng mga nasa paligid. May natutuwa, kasi ba naman para lang siyang nasa palengke na sumisigaw ng kanyang paninda. May iba na umiirap, parang gustong sabihin na, “Ano ba ‘yan?!” Yung iba na mukhang mayayaman, walang reaksyon, parang walang naririnig. Composed ika nga. Ginaya ko sila. Hindi ako nagre-react, hindi ako nagpakita ng pagkainis o pagkawili. Yung itsurang wala lang. Kunwari mayaman din ako.

Sari-sari pa rin ang reklamo ng ilan. “Ano ba yan, nasa initan na ang mga anak natin.” “Oo nga, hindi na sila naawa sa mga bata, nakatayo sa initan.” Noong una, medyo naaaliw pa akong pakinggan sila. Mukha kasi silang concerned na concerned. Pero may iba na nagsasabi, “Tapos mamaya, papasukin sa aircon room ang mga bata. Galing sa initan, sakit ang aabutin ng mga anak natin.” Eh hindi ba nila alam na public school nga iyon, bakit magkaka-aircon room! May isa pa akong narinig, “Hindi man lang paupuin yung mga bata para maka-review pa kahit papaano.” Sobra naman! Kawawa naman yung mga anak ng ganitong magulang.

May isa pang nagpapanggap na mayaman ang nagsabi, “Nasaan ba yung mga nag-aayos dito, hindi naman maayos ang sistema. Mapuntahan nga yung mga in-charge…”, sabay alis patungo sa kung saan. Ang tapang! Napaka-demanding! Ang taas ng tingin sa sarili! Ang sa akin lang, matuto naman sanang magpasensya ang bawat isa. Hindi naman dapat na bawat kibot, eh reklamo tayo ng reklamo. At dapat rin naman nating hayaang matutong magtiis ang mga anak natin. Hindi naman natin sila kayang protektahan sa lahat ng oras, di ba?

Kaya siguro marami ang bata na sobra ang bilib minsan sa sarili. Masyadong na-build up ang self-confidence. Nagagaya sa mga magulang. Akala mo lahat kayang pakialaman at dapat pakialaman. Walang nang respeto sa mga otoridad. Puro reklamo lang imbes na magpasalamat. "Bakit, pinilit ba sila ng paaralan para mag-entrance test doon? Hhmmp!"

May kumalabit na tatay sa likod ko at nagtanong, “Has number 22 been called already?” Sumagot ako, “A… eh… Yes, they were already led to their room.” “Well, finally.  Atleast, they could be spared now from the scorching heat.” “Yeah, sure. You’re right on that.” Whew! Nose bleed na naman!

Sa wakas, natawag na rin ang numero ng anak ko. Umusal na lang ako ng dalangin para sa kanya. “Lord, kayo na ang bahala sa anak ko.” Tinanaw ko siya hanggang sa tuluyan na siyang mawala sa aking paningin. Tapos, tumalikod na ako at lumayo sa kaguluhan. Hanggang alas-singko pa ang exam ng anak ko. Ang tagal pa ng ipaghihintay ko. Nag-isip ako kung uuwi muna sa bahay namin o tatambay na muna sa kung saan. Nagdesisyon akong pumunta na lang sa Ever Gotesco Mall.

Manonood na lang sana ako ng sine kasi halos limang oras pa ang hihintayin ko para masundo ang anak ko. Kaso wala na palang sinehan doon, nagsara na. Wala sigurong nanonood. Umikot ako sa mall, mayroon akong kaunting perang baon. Bumili ako ng pangregalo sa dalawa ko pang anak na nag-birthday kamakailan. Dumaan din ako sa Booksale, hinanap ko pa kung saan. Sa basement pala! Bumili ako ng tatlong libro. Papasyal pa sana ako sa ibang outlets kaya lang paubos na ang baon kong pera at pagod na rin ako. Bumili muna ako ng inumin at hamburger na buy 1 – take 1. Solb ang gutom! Tapos, sumakay na akong muli ng jeep pabalik.

Nagpasya akong dumaan muna sa Wildlife para doon na ako magpalipas ng oras. May dala akong libro kaya naghanap na lang ako ng magandang puwesto. Nakahanap ako upuan sa ilalim ng isang puno. Nag-enjoy ako sa pagbabasa ng nobelang “The Missing Postman”, nabili ko dati sa Booksale. Mag-iisang oras pa lang ako doon ng mapansin kong dumidilim na, mga 3:30 pa lamang noon. Nagpasya akong umalis na sa lugar at bumalik na sa paaralan. Baka kasi abutan ako ng ulan sa paglalakad pabalik.

At yun nga nangyari. Habang naglalakad ako patungo sa school, bumuhos ang malakas na ulan. Sumilong muna ako sa may guardhouse ng Ombudsman. Mga tatlumpung minuto rin siguro akong humimpil doon. Nung medyo tumila na, naglakad na ulit ako. Medyo basa na ang buhok at damit ko. Dumiretso na ako dun sa may hintayan, sa may back entrance, sa may cafeteria. Punong-puno ng mga tao ang lugar. May mga magulang na bitbit pa ang kanilang maliliit na anak. “Family affair ba talaga ito?” Sana pala isinama ko rin si Bunso.

Bumili ako ng maiinom at may nakita akong bakanteng upuan doon sa may sulok. Umupo ako roon at ikinalong ang bitbit kong plastic bags. “O hah, namili ako, akala ninyo. Sa Ever to, o hah…”, sa isip-isip ko. Pero napansin ko na may mga dalang shopping bags din yung mga naroon. Magaganda yung kanila, parang bag galing sa boutique. Kulay violet yung iba. Akalain mo, sa Landmark at Trinoma pala namili ang mga nasa paligid ko?! Sa akin, puting plastic bag lang, na parang diyan lang ako sa palengke namili. Hindi sosyal. Dyahi!

Mga alas kuwatro y media, medyo may nagkakagulo. Baka may lumabas na raw na mga bata. Pero relaks lang ako. Kunwari hindi ako excited. Pero huwag ka, gustong gusto ko na ring makita ang anak ko at tanungin siya ng, “Are you ok?” May iba na namimili doon sa isang book fair sa sulok. Kaso ang mamahal naman ng libro. From time to to time, nagte-text ako sa asawa ko. Sabi ni misis, i-kiss ko raw siya sa anak namin pag nagkita na kami. So naghintay lang ako. Chill. 
 
Hanggang sa nagkagulo na talaga, parang may dumating na artista. May pailan-ilan na kasing mga batang lumalabas. Yung ibang mga magulang na maganda sana ang puwesto, yung kitang kita sana nila ang pagdating ng mga anak nila kung sakali, nagrereklamo na naman! Bakit daw hinarangan ng ibang mga magulang ang daanan. Hindi na raw makikita yung mga batang papalabas. Yung mga nagrereklamo ngayon, ‘yung mga mukhang mayayaman. Yung tipong ayaw umalis sa kinaroroonan nila. Yung parang binili na nila ang puwestong iyon. Inuutusan yung guwardiya na ayusin ‘yung mga tao. Doon lang daw sila! Doon daw ang tamang lugar! Gagayahin ko ba sila?

Bakit ko sila gagayahin! Aba, alangan namang doon lang ako sa puwesto at pahirapan ang anak ko na hanapin ako! Miss na miss ko na kaya ang anak ko. Gustong-gusto ko na siyang makita. Gusto ko na siyang yakapin at i-comfort dahil sigurong napagod siya. Gusto kong makita niya ako kaagad paglabas niya ng hallway. Kaya nakigulo na rin ako sa ibang mga magulang. Pinilit kong makapunta sa unahan. “Excuse me! Excuse me po!” Sa wakas, nakalusot na rin ako.

Naghintay pa kami ng ilang sandali bago halos sabay-sabay na lumabas ang mga bata. Hinahanap ng paningin ko ang kulay ng kanyang damit. At nang makita ko na siya, tinawag ko, “Ruth! Ruth! Ruth!” Hindi ako marinig. “RUTH! RUTH!” Ooops, napalakas ba? Sensya na ha, gusto ko lang kasing mahawakan na ang anak ko. Narinig naman niya ako. Ipinagsiksikan ko ang katawan ko sa mga tao. Gusto ko siyang kumustahin at usisain. Kaya lang maingay at magulo ang paligid. Hinalikan ko na lang siya sa noo, bilin iyon ng asawa ko. Sinuong namin ang makapal na party people.

Hawak hawak ko siya sa kamay. Hangang sa nakalusot na rin kami. Hay! Habang naglalakad sa may oval field ng paaralan, doon ko siya kinumusta. Marami raw siyang hinulaan sa Math, pero madali daw yung Science. Madaming items daw yung Abstract Reasoning pero maiksi yung oras na ibinigay. Bawal daw silang makipag-usap sa mga katabi, kahit nung breaktime nila. Hindi raw niya naubos yung snacks niya, marami raw kasi (mabuti na lang hindi ako nagpadala sa bugso ng aking damdamin nung nagkakagulo ang karamihan tungkol pagkain). Medyo luma na raw yung room pero gusto raw niya yung blackboards, malalaki. Gusto raw niya yung table at puwesto ng mga teacher, elevated parang sa mga taga-Amerika. Mabait naman daw yung proctor nila.

Habang naglalakad palabas ng gate, bumuhos na naman yung ulan. Wala kaming payong. Wala naman akong mabilhan sa paligid. Gusto ko sanang magpatila muna kami pero sabi niya, sumugod na raw kami sa ulan. Gusto na rin siguro talaga niyang makauwi. Sumakay kami ng pedicab, sampung piso daw ang isa. Okey na rin, kaysa mabasa kaming lalo ng ulan.
Sige pa rin ang kuwentuhan namin sa pedicab. Sabi ng anak ko, ang hirap daw talaga ng exam. Naririnig kami ng pedicab driver. Ngumiti ito sabay sabing, “Kung pumasa, eh di maganda. Kung hindi, okey lang.” Napangiti rin ako. Teka, dialogue ko yun ah! Si Manong, marami na sigurong nakilalang magulang sa pagiging pedicab driver niya. Marami na siguro siyang kaalaman at kuwento tungkol ng pighati at tagumpay ng mga batang sumubok makapasok sa paaralang iyon. Lalim!

Itinuro ko sa anak ko yung mga nakaparadang sasakyan. “Bakit nga kaya nila isinisiksik pa ang mga anak nila dito?” Napapailing ako. Wala akong maisip na sagot. Tinanong ko ang anak ko, “Eh tayo, bakit ba tayo napasubo dito?” Sumagot siya, “Hindi ko nga alam sa iyo eh.” Nagtawanan kami.

Sa wakas, natapos na rin ang mahabang araw na iyon. What an experience! (Ooops, ingat, baka magka-nose bleed!) I asked myself:  “Wala lang? Wala lang nga ba talaga? Nagsayang lang nga ba kami ng oras at pagod para doon?”

I looked back. I realized that nothing has been wasted for I got to spend time with my daughter. I remember our review and tutoring sessions on our bed and the laughters & merienda that we shared. I remember our experiences during the day – our travel, our walks, our conversations, our pedicab ride. I will forever be thankful to the Lord for the time he gave me in bonding with my daughter. Those are precious. We will both treasure the experience.

And she will probably tell the story to her children and her children’s children. She would mention that her Tatay was with her that day teasing, “Are you ok?” She will recall the day, not with embarrassment, but with a feeling of lightness; in the same way that we tell them about how their Nanay auditioned for the glee club in college but was rejected, or how I tried out for our school paper but didn’t qualify, and we just laught at it. Parang… wala lang.

Ang pakiusap ko lang, gaya ng sabi ni Aling Dionisia, “Please don’t make fond of me.”

0 comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...