15 December, 2009

Sana Wala Nang Pasko


Purok 5, Malanday, Marikina (before Ondoy)

Hapong-hapo ang aking katawan dala ng maghapong pag-aaral at pakikinig sa mga araling ninais kong matutunan. Gusot na ang aking buhok. Lukot na ang aking suot na T-shirt. Bagsak na ang aking balikat. Salamat na lamang at nag-bell na. Iyon na ang aking huling klase kaya’t maari na akong umuwi.

Taliwas sa aking nakagawian na, hindi ako nagtungo sa office ng aming organization. Hindi ko na pinag-aksayahang silipin ang pagkaabala ng mga tao roon. Ang nais ko ng mga oras na iyon ay ang makapag-isa at makapag-isip. Nararamdaman ko, kakaiba ang emosyong dala ng hapong yaon sa akin.

Maraming tao ang nag-aabang ng masasakyan sa may Katipunan. Ganoon naman palagi. Nag-uunahan ang mga taong makauwi sa kani-kanilang mga tahanan. Tumayo ako roon ng mga kalahating oras. Maya-maya ay tumigil ang isang kakaragkarag na bus sa aking tapat. Maluwag pa ang loob niyon kaya’t umibis ako roon.

Naupo ako sa may bandang likuran, sa tabi ng bintana. Madilim-dilim na noon kaya’t may mga ilaw na ang kalsada. Ang mga Christmas lights ay umaakit na sa mga tao. Sa ‘di kalayuan ay tumutugtog ang isang awiting pamasko.

Bigla ko tuloy naalala ang napakahalagang araw na yaon. “Pasko na nga pala!” ang pabulong kong nawika. At kumawala ang isang malalim na buntong hininga. Wala pa akong bagong damit at sapatos. Wala pa akong pambili ng mga regalo. Wala pa akong perang pampanood ng sine… Mabuti pa ‘yung iba. Magagara ang kanilang suot. Marami silang salapi. Nasusunod nila ang lahat ng kanilang nais.

Kapag ganitong panahon, lalo ko lamang nararamdaman kung gaano ako kaaba kung ihahambing sa mga nakaririwasa. Lalo lamang akong nanliliit. Lalo ko lamang naiisip na sana... sana wala nang Pasko…

Hanggang makarating ako sa aming tahanan ay iyon pa rin ang sumasagi sa aking kaisipan. Hanggang sa aking paghimbing, ang kahilingan na kanina pa’y bumabagabag sa akin ang ninanais kong magkaroon ng katuparan. Sana wala nang Pasko…

Isang panaginip ang pumukaw sa natutulog kong isipan. Nakaupo diumano ako sa isang dalampasigan. Walang ibang nilalang ang naroroon maliban sa aking sarili. Hindi ko malaman kung paano ako napadpad doon. Nagisnan ko na lamang ang isang umaga na tila nagpapahiwatig na ang araw na iyon ay araw ng Pasko. “Pasko na pala,” ang nawika ko. “Ito nga pala ang araw kung kailan nagbubunyi ang sanlibutan dahil sa pagsilang ng dakilang manunubos."

Sa mga sandaling iyon, lumamlam diumano ang aking mukha. Sa aking isipan, nagtatanong ang aking diwa. “Sa kalagayan kong ito, may dahilan pa ba upang ako’y magbunyi? Wala na ang tila naghahabulang mga ilaw na kinagigiliwan kong pagmasdan. Wala na ang mga awiting pamaskong inaawit ko sa pangangaroling. Wala na ang mga regalong nanggagaling sa aking mga kaanak. Wala na ang masasaganang pagkaing inihahain sa mesa. Wala na ang mga bagay-bagay na kinasanayan kong gawin at malasin tuwing sasapit ang araw na ito. May dahilan pa ba upang ipagdiwang ko ang pasko? Narito ako. Nag-iisa. Sa pook na kung saan ang katahimikan ay nakabibingi. Sa pook na kung saan ang tangi kong kaulayaw ay ang luhang bumabalong sa aking mga mata.”

Napasigaw diumano ako, “Hindi ito ang paskong nais ko!” Nalugmok ako sa may batuhan. Nagtatanong. Nalilito. Pagdaka’y isang tinig na tila nagmumula sa liwanag ng araw ang narinig kong nagwika: “Bakit? Para saan ba ang Pasko? Ang mga materyal na bagay ba ang sinisimbulo nito? Minsan ba’y naisip mo kung bakit kailangang isilang ako sa mundo?“…

Isang panaginip! Isang makahulugang panaginip. Hindi ako pinatulog ng alalahaning iyon. Pilit kong hinahanapan ng tugon ang mga tanong ng tinig sa aking panaginip.

Bumangon ako at binuksan ang aming radyo. Mga awiting pamasko ang aking narinig. Isang awitin ang nakatawag ng aking pansin...

“Hark the herald angel sing
Glory to the new born King
Peace on earth and mercy mild
God and sinners reconciled…”

Ewan ko ba. Subalit ang awiting ito ay nagkaroon bigla ng kahulugan sa akin. God and sinners reconciled.

Oo nga ano! May dahilan pala talaga kung bakit dapat ipagdiwang ang Pasko. Ang anak ng Diyos ay isinilang upang tubusin ang mga tao sa kani-kanilang mga kasalanan. Nagsilbi siyang isang pag-asa, na ang lahat ng nananalig sa Kanya ay bibiyayaan pagdating ng paghuhukom - ang pagkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Ah! Napakasimple lang pala ng mensaheng dala ng kapaskuhan. Napakalaki kong hangal upang magpaalipin sa mga bagay na inihahain ng mundo. Sapat na palang makita ko ang pagsikat at paglubog ng araw upang malaman kong nariyan ang Diyos na hindi magpapabaya sa atin. Mabuti na lamang pala at may Pasko! Sana marami pang bulag na tulad ko ang makakita at makasumpong ng liwanag. Salamat sa mensaheng dala ng Pasko…

Minsan pa, isang awiting pamasko ang pumailanlang…
"Long lay the world in sin and error pining
Till He appeared and the soul felt His worth…”

Purok 5, Malanday, Marikina (after Ondoy)


(Prime Journal, 1992)

0 comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...