20 December, 2009

Sa Maybahay



“Sa maybahay ang aming bati
'Merry Christmas' na maluwalhati
Ang pag-ibig 'pag siyang naghari
Araw-araw ay magiging Paskong lagi

Ito ang laging bungad na awit ng mga nangangaroling sa amin. Wala na bang iba?! Kunsabagay, ito rin naman ang kanta namin noong maliliit pa kami. Pero hindi na naiba?! Klasik talaga ang kantang ito!

Kagabi, first time mangaroling ng bunso ko. Niyaya siya ng mga kalaro niya. Noon ko pa hinihimok ang mga anak ko na sumali, para maranasan din nila kung paano ito ginagawa. Yung dalawang Ate, ayaw talaga. Nahihiya.

Excited si Bunso. Maagang kumain ng hapunan. Naghilamos kaagad. Panay ang silip sa bintana. Baka nandiyan na raw ang mga kalaro niya. Maya-maya, nagpaalam na pupunta na raw siya sa may kalsada. Doon na niya raw aabangan yung mga kasama niya. Sabi ko, “Sige, silipin mo lang. Kapag aalis na kayo, umuwi ka uli rito para mag-paalam.”

Hindi niya alam, excited din kami ng Nanay niya para sa kanya. Hindi para may maiuwi siyang pera. Kaya ko naming bigyan na lang siya ng barya. Ang gusto lang namin, ma-experience din niya kung paano ang mangaroling. Pero medyo atubili rin kami kasi baka iwan-iwanan siya ng mga kasama niya. At baka masaktan ang damdamin niya kapag hindi sila bigyan ng pera ng mga “maybahay” na pupuntahan nila.

Maya-maya, niyaya na siya ng mga kalaro niya. “Ingat kayo, anak!”, sabi ko. Pagkalipas ng ilang sandali, sinundad ko na sila. Yung unang bahay na pinuntahan nila, nagsabi agad ng “Patawad!”, hindi pa man sila nakakadalawang linya sa kantang “Sa Maybahay”. Kawawa naman. Gusto ko tuloy iabot na lang sa kanya ang inihanda kong sampung pisong barya sa palad ko. Pero pinigilan ko ang sarili ko.

Naupo lang ako dun sa may tabing kalsada. Tinatanaw sila kung saan man sila pupunta. Pabalik-balik lang ang ginawa nila. Lihim akong nangingiti kasi naaalala ko yung mga karanasan ko rin noong bata ako.

*
May isang bahay kaming napangarolingan noon na pinaghintay kami ng pagkatagal-tagal. Kumanta lang daw kami ng kumanta. Tapos may lumabas na lalaki mula sa dalawang palapag na bahay, magpapabarya lang raw siya sa may tindahan. Pagbalik, pumasok uli siya sa bahay nila. Matagal ulit. Sige lang kami sa pagkanta. Maya-maya, lumabas uli yung lalaki at iniabot sa amin ang sobre. Tuwang-tuwa kami. Abot-abot ang pag-thank you namin. Pagbukas namin niyon, walang laman. Sura! Nasaktan ang aking batang kalooban noong oras na iyon. Nagmarka sa isip ko kung bakit may mga taong ganoon.

Pero mayroon din kaming napuntahan dating isang bahay, maraming tao ang nasa loob. Kanta kami. “Merry Christmas na maluwalhati. Ang pag-ibig ang siyang naghari…” Nilapitan kami nung isang lalaki, nakangiti. Sabi niya, mayroon daw silang party sa loob. Pinatigil na niya kami sa pag-awit pero inabutan niya kami ng pera. Mayroon din palang mababait na tao sa paligid. Kabaligtaran siya noong lalaking nagbigay sa amin ng sobre.

May isa pa kaming napuntahan, isang tindahan. Tatlo lang kami noon kaya atubili kami. Maliwanag kasi ang lugar. Maraming tao, nagju-juke box. Pinakanta kami sa gitna. Hiyang-hiya kami. Pagtapos, inabutan kami ng limang piso. Ang liit?! Malaking halaga iyon noon kasi ang bigas noon, P3.50 lang. O di ba kung sa panahon ngayon, ang natanggap namin ay halagang P50.00 na! May nagbibigay pa ba ng ganoong halaga sa mga batang nangangaroling ngayon?

Naaalala ko ang partihan ng mga baryang nakolekta. Halimbawa, sasali ka sa amin eh nakalimang bahay na kami. Yung nalikom namin doon sa limang bahay, hindi ka kasali sa partihan doon. Kung umuwi ka sandali para kumain ng hapunan, hindi ka rin kasali sa matatangap namin sa oras na wala ka sa grupo.

Minsan, kapag mukhang mas marami ang nagbibigay sa isang grupo, kumakalas ang iba para umanib doon. Pero siyempre, kukunin muna niya yung share niya sa grupo. Tapos yung grupong iniwan, kapag masyado na silang kaunti, madidisolve na. Bubuo na uli ng ibang grupo. Ang gulo! Pero masaya!

*

Sina Pete, nagpunta pa sa kabilang kalye. Niyaya ko ang asawa ko. Sabi ko, kunwari may bibilhin kami sa tindahan sa kabila pero ang totoo, susundan uli namin si Bunso. Nang madaanan namin sila ng mga kalaro niya, nakita niya kami at tinanong kung saan kami pupunta. Sabi namin, wala lang, namamasyal. Alam kong alam niya na sinusundan namin siya.

Pero napagod na rin kami. Umuwi na kaming mag-asawa, hinintay na lang siyang umuwi sa bahay. Pag-uwi niya, kinumusta agad namin siya. Binomba namin siya ng tanong:

“Hindi ka ba nasasaktan kapag nagsasabi yung iba ng “Patawad!” Okey lang daw, kumakanta daw sila ng ang “Ang babarat ninyo...”.

“Napagod ka ba?” Oo daw, inuhaw daw siya. “Wala bang mga aso sa pinuntahan niyo?” Wala naman daw.

At siyempre, ang mahiwagang tanong, “Magkano ang natanggap mo?” Joke! Limampiso daw, sabay bukas ng kanyang palad.

Ang huling tanong, “Mangangaroling ka ba ulit bukas?” Ngumiti siya at tumango.

Pahabol:

Nung pangatlong araw na nila mangaroling, yung pinaka-lider nila Bunso, itinakbo ang perang naipon nila. Sabi, bibili lang daw ng kendi pero umuwi sa bahay nila. Yung isang kasama nila, nagalit, sinundad sa bahay yung batang sa murang edad pa lamang eh marunong nang manggantso. Nagsuntukan sila. Kinampihan pa ng Nanay ng batang spoiled yung anak nila. Kaya’t sumugod din yung Tatay nung napikon nilang kasama. Ang katapusan, hindi na namin sila bati…

0 comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...