Hunyo na pala. Parang kailan lang nang magdiwang tayo ng Bagong Taon. Ngayon, pumapasok na naman ang panahon ng tag-ulan. Kay bilis talaga ng paglipas ng panahon! At katulad ng kamay ng orasan, ang buhay ng tao ay mabilis ding umiikot.
Sa bawat paglaglag ng mga dahon mula sa sanga ng puno ay kaalinsabay ang mga pagbabago - sa ating kapaligiran, sa ating mga mahal sa buhay, sa ating mga kaibigan, at sa ating mga sarili. Naisin man natin o hindi ang mga pagbabagong dala ng panahon, darating at darating ito ng hindi natin namamalayan.
Kamakailan lang, binigla kaming magbabarkada ng isang balita tungkol sa isa naming kaibigan. Ikakasal na raw ito! At malapit na raw maging ama! Wala akong masabi ng mga oras na iyon. Nabigla talaga ako.
Ni wala sa aming guni-guni na may makakapag-asawa sa amin ng ganoon kaaga. Hindi ko inaasahan na barkada ko ang gagawa niyon. Siyempre, nalungkot ako. Mawawalan na kasi kami ng isang masayahing kaibigan. Siya kasi ang madalas bumangka sa tuwing nagkakabidahan kami. Siya rin ang taga-plano ng aming mga lakad.
Naitanong ko sa aking sarili: Magiging ganoon pa rin kaya ang samahan naming magbabarkada? Magiging ganoon pa rin kaya kami kasaya? At saka, ganoon na ba kami katanda? Puwede na pala kaming gumawa ng bata! Ang aming mga plano, matupad pa kaya? Hindi mo na nga ba mapipigilan o mababago ang mga pangyayari?
Disappointed ako. Gusto ko kasing pare-pareho kaming magtagumpay. Sa kalagayan niya ngayon, mangyayari pa kaya iyon?
Natatandaan ko, magkakasama kaming nangarap noon, habang nakatingin sa bituin sa langit – na magtatapos kami ng pag-aaral para makahanap kami ng magandang trabaho. Nagplano kami tungkol sa buhay-buhay, sa aming kinabukasan. Pero nasaan na ang mga planong iyon? Natupad ba? Matutupad pa ba?
Pero sabi nga nila, nandiyan na iyan. Hindi na kami dapat magsisihan. Tanggapin na lang. Mabuti nga siya at pinanagutan ang kanyang responsibilidad.
Subalit paano ang magiging buhay niya? Tanggap na kaya niya na hindi na siya puwedeng um-attend ng mga parties, bumili ng mga tapes ni Andrew E., magpagupit ng kagaya ng kay Francis M., at umuwi ng alas-dose ng hatinggabi - katulad ng ginagawa ng isang binatang tulad namin. Marunong na ba siyang magtimpla ng gatas? O magpalit ng lampin ng bata? Nag-aaral pa lamang siya at wala pang trabaho. Paano niya bubuhayin ang kanyang pamilya?
Siguro nga sa ngayon ay hindi pa siya handa. Subalit matututuhan rin niya iyon. Naniniwala ako sa kanyang kakayahan. Sa likod ng kanyang pagiging easy go lucky, mayroon siyang kakayahang magdesisyon at humawak ng responsibilidad.
Ano nga ba ang implikasyon ng nangyaring iyon sa aking barkada? Takot marahil. Napagtanto ko na hindi pala talaga biro ang pag-aasawa. Na sa mga desisyong aking gagawin, kailangan ko munang pag-isipan ito ng makasampung beses bago ko isagawa.
At ang mga pagbabago, hindi mo nga talaga siguro mapipigilan. Sikapin mo mang baguhin o hadlangan ang mga pangyayari ay hindi mo ito magagawa. Magplano ka man ng magplano ay wala ring mangyayari sapagkat may sariling plano ang tadhana para sa atin. May sariling nais ang Diyos para sa ating buhay.
Minsan, iniisip natin na hindi dapat ganito o ganyan ang nangyari. Subalit sa malao’t madali ay matatanto nating tama pala ang tadhana. Tama pala ang plano ng Diyos.
Ang nararapat nating gawin ay ihanda ang ating mga sarili sa mga pagbabagong darating. At hilingin sa Diyos na makayanan nating bathin ang mga pagsubok na kaakibat ng mga pagbabago.
(Prime Journal, June 1991)
* Photos were taken at Brgy. Ibayo, Dulong Bayan, San Mateo Rizal
Note:
Makalipas ang labing-walong taon, nagkita kami ng nasabing barkada ko. Nakasakay ko siya sa jeep noong isang araw. Pareho nang nagka-edad ang aming mga mukha at pareho na kaming mayroong tiyan (ngeh!).
Masaya niyang ikunuwento na nasa kolehiyo na ang panganay niya, na ang edad ngayon ay pareho nang edad niya noong naging binatang ama siya. Pareho silang nagtatrabaho ng misis niya, kapiling ang dalawa pa nilang anak.
Hindi ako nagkamali ng pagkakakilala sa kanya bilang isang responsableng tao.
0 comments:
Post a Comment