Kapatid, may problema ka ba? Mukhang hindi na maipinta ang mukha mo, ah?! Ngumiti ka naman…
Problema ba sa pera? Okey lang 'yon! Ako nga, wala nang pamasahe bukas, eh.
Pressure sa trabaho? Buti ka nga at may trabaho! Ang iba, wala!
Mayroon ka ba'ng karamdaman? Okey lang 'yon! Tutal, pisikal na katawan lamang iyan.
Ano man ang iyong dinadalang kahirapan, okey lang. Bro, matatapos din 'yan!
Ooops! Teka! Huwag mo ako'ng akusahan na ako'y mapagkunwari. Na itinatago ko lamang ang aking tunay na nararamdaman. Na sa likod ng aking pagngiti ay umiiyak ako.
Huwag mo'ng isipin na ang yabang-yabang ko. Na akala ko, ang dali-dali ng buhay kristiyano. Na hindi ako nagiging totoo sa sarili ko.
Totoo, kapatid, mayroon din ako'ng suliranin. Baka nga mas mabigat pa sa dinadala mo.
Subalit hindi ako nagkukunwari na masaya ako. Masaya talaga ako! Wala ako'ng suot na maskara na animo wala akong nararamdamang sakit. May mga tinik din akong dala-dala.
Subalit bakit hindi ako kagaya mo? Pareho lang naman tayong kristiyano?
Alam mo ba ang sikreto? Kilala ko ang aking Panginoon bilang Pastol na hindi nagpapabaya sa Kanyang mga tupa.
Marami-rami na rin akong napagdaanang pagsubok. Ngunit sa tuwina, lagi Siya'ng nasa tabi ko. Hindi Niya ako kailanman iniwanan. May mga pagkakataong akala ko ay wala na talagang pag-asa. Tapos, bigla, darating ang kasagutan Niya.
Isang kapatid nga ang minsa'y nagsabi sa akin, "Hindi pababayaan ng Panginoon ang lingkod Niya." Tumpak siya sa kanyang tinuran. Tiyak ko, siya mismo ay nakaranas rin ng katapatan ng Panginoon. Na hindi rin siya pinabayaan ng Pastol sa panahon ng mga tag-ulan sa kanyang buhay.
Kapatid, totoo ang namamalas mo'ng ngiti sa aking mga labi. Ang Panginoong Hesu-krito ang may bigay nito. At mayroon Siyang pangako sa iyo…
"Pag-iyak ay magtatagal ng magdamag ngunit galak ay dumarating sa umaga…"
Bro, tahan na! Tumayo ka na! Mag-uumaga na! O, ngiti na…
* Koinonia - Year 1998
0 comments:
Post a Comment