Nakakapaso ang init ng araw. Uhaw na uhaw na ako. Hapong-hapo na ang aking katawan dala ng mahabang paglalakbay. Nasusunog na ang balat ko.
Gayunpaman, walang katulad ang aking patutunguhan. Masaya roon. Walang kasamaan. Walang karamdaman. Walang kalungkutan.
Subalit pagod na talaga ako. Puro uhog na ang mukha ko dala ng patuloy na paghikbi. Walang-wala na ako sa porma. Nilapitan ko at kinausap ang aming gabay. “Hindi ko na yata kaya…”
Ngumiti siya. Mula sa karamihan ng mga manlalakbay, tinawag niya ang isa. “Halika rito. Samahan mo siya. Nalulumbay kasi siya. Kailangan niya ng kausap. Kailangan niya ng kasama. At alam ko, ikaw rin, kailangan mo ng kaibigan. Magdamayan kayo sa isa’t isa. May plano ang Hari para sa inyong dalawa.”
Napangiti ako at kinindatan ang nasabing kasama na ibinigay sa akin. Ngumiti din naman siya. Noong una, medyo nagkakahiyaan pa kami. Ngunit nang maglaon, magkahawak-kamay na naming ipinagpatuloy ang aming paglalakbay.
May pagkakataong tumatakbo kaming pareho dala ng kasiyahang dulot ng bawat isa. Kuwentuhan. Tawanan. Nariyang umaawit siya ng buong lambing habang ako naman ay nagsasayaw kaulayaw ang hangin.
Subalit may mga pagkakataong may nadarapa sa amin. Minsan ako, minsan siya. Nagkakasugat. Umiiyak. Subalit bilang magkatuwang, itinatayo namin ang bawat isa. Inaaliw ang isa kapag nalulumbay ang isa.
Magkasama rin kaming tumutulong upang ibangon ang mga kasama naming nasasadlak. Nakikigalak din kami sa mga taong nagtatagumpay.
Naging masaya ang aming paglalakad. Naiibsan ang pagkapagal, ang pagdadalamhati. Nalilimutan namin ang salitang pagsuko. Ito ay dahil sa balikat na alay ng bawat isa.
Hangang ngayon, patuloy pa rin kaming naglalakbay. Natatanaw na nga namin ang palasyong aming patutunguhan. Natatanaw na namin ang Dakilang Hari sa may pintuan.
Sabik na sabik na kaming mayakap ang Hari at umiyak sa kanyang paanan. Ang kanyang tinig ay naririnig naming nagsasabing, “Mga anak, sige pa. Patuloy lang.”
Kaya’t muli, magkahawak-kamay kami ng bestfriend ko na tumakbo. Sa hindi sa kalayuan, nakakita kami ng isang puno sa tabi ng ilog. Tinungo namin iyon at kami’y nananalangin…
“Panginoon, salamat sa kasama at kaagapay na inyong ipinagkaloob.”
Note: We just celebrated our 15th wedding anniversary this year.
0 comments:
Post a Comment