Nami-miss ko ang bukid at sapa sa aming lugar noon na pinapasyalan namin ng mga kalaro ko noong bata pa ako. Wala na ang mga iyon ngayon. Tinayuan na ng mga pabrika at subdivision ang mga bukid. At natuyo na rin ang tubig sa sapa.
Hindi ko akalain na mayroon pa palang ganoong lugar sa bayan namin - bukirin, ilog at pastulan. Ito ay sa Ibayo, salitang ang ibig sabihin pala ay “sa kabila” or “across” (ngayon ko lang rin ito nalaman). Mabuti at nakasama ako sa Feeding Program ng aming kumpanya doon.
Napakaganda ng lugar, parang ang sarap magpa-piktyur. Malamig ang hangin, amoy kalabaw at damo ang paligid. May mga puno sa tabing ilog, may mga daang pataas at pababa.
May nakita pa akong tagak na umiinom sa batis. Sana maipasyal ko ang pamilya ko doon minsan.
Nalubog sa baha ang mga bahayan doon sa ibayo. Sa may mataas na bahagi sila lumikas para makaligtas, sa may bundok na bahagi na raw ng Quezon City. Ang mga batang taga-roon ang pinakain namin ng masarap na goto (natikman ko iyon siyempre. Naka-dalawang mangkok pa nga ako, eh!).
Noong una, pinatawid namin ang mga bata mula sa ibayo patungo sa pinaghimpilan ng aming sasakyan. Kinailangang sumakay ng mga bata sa bangka para makatawid. Malaki kasi ang ilog at malakas ang agos.
Tuwang-tuwang pumila ang mga paslit. Sila-sila lang. May mga maliliit pang bata, karay-karay ng kanilang mga ate at kuya. Karamihan sa kanila ay walang mga sapin sa paa. Sama-sama silang umupo sa damuhan para kumain, habang minamasdan ang ilog at dinadama ang hangin sa paligid. Nakisalo ako at nakipagkuwentuhan sa ilan.
Sa kabilang bahagi ng ilog, natanaw namin ang iba pang mga bata. Kumakaway. Hindi maulinigan ang kanilang sinasabi kasi malayo ang kinalalagyan nila. Pero aninag ko na masaya sila. Marami pa silang naroroon.
May nagsabi na ayaw na raw silang itawid ng bangkero. Delikado raw kasi ang agos ng ilog. Ayaw niyang makipagsapalaran. Nagdesisyon kami na itawid na ang mga kaldero.
Kinailangan naming maglakad ng may halos tatlumpung minuto para marating ang sakayan ng bangka. Mabigat ang pagkaing dala-dala namin, nagsalitan kami sa pagbitbit nito.
Pero may ilan palang kalalakihan mula sa ibayo na nagpasyang sunduin na kami. Nagpasalamat kami sa kanila. Ngumiti sila at nagsabing, “Para naman ito sa mga anak-anak namin. Mabuti at napasyalan ninyo kami rito.”
Tatlong piso ang bayad sa pagtawid sa ilog, libre para sa mga bata. Kasya lamang ang anim hanggang walo katao, kasama na ang bangkero. Ang iba naming kasama ay natakot sa ilog, nagpaiwan sila sa pampang.
Nakapila na ang mga bata pagdating namin doon. Pagkakuha ng pagkain, umuupo ang iba sa damuhan, nakikipagkuwentuhan, nakikipaghabulan. Tapos, pipila uli (Okey lang naman ‘yun. May sobra naming pagkain).
Ang iba, umuuwi na, sa bahay na kakainin ang kanilang natanggap. Pero para marating nila ang bahay nila, maglalakad pa ulit sila sa maputik na daan. Pero masaya pa rin sila.
May isang bata kaming napansin, tatlo-tatlo kasi ang hawak niyang goto. Ganoon din ang kuya niya. Napagkatuwaan sila. Nagprisinta akong tulungan ang magkapatid, kinuha ko ang tig-isa nilang hawak. Naglakad kami kasabay ang iba pang mga bata patungo sa mga bahayan nila.
Sinimot namin ang laman ng kaldero. Tuwang-tuwa ang mga bata. Binigyan din namin ang bangkero, pati na yung ibang magsasaka sa lugar, maging ang iba pang taga-roon na napadaan lamang o nanggaling pa sa bayan.
Habang hinihintay namin ang pagbalik ng bangka para makatuwid sa kabila, may nakausap akong mag-asawa. Paluwas din sila. Nalaman ko sa kanila na wala pa palang kuryente sa lugar na iyon.
Habang naglalakad pabalik, naisip ko ang mga batang mag-aaral mula sa Ibayo. Kinakailangan nilang maglakad ng may halos dalawampung minuto papunta sa sakayan ng bangka at dagdag na tatlumpung minuto para marating ang kanilang paaralan. Nakakabilib!
Nangako ako sa sarili ko na babalikan ko ang lugar na iyon at ang mga batang nakasalamuha ko roon. Lalong-lalo ang dalawang batang may bitbit na tatlong mangkok ng goto.
(RPLAI Feeding Program, Brgy. Ibayo Dulong Bayan, San Mateo Rizal)