“Class, hanggang bukas na lang puwedeng magbayad ang mga gustong sumama sa field trip”, pagpapa-alala ni Mrs. Alcaraz. “Kulitin na ninyo ang mga tatay ninyo para sa pambayad.” At ilang sandali pa ay umalingawngaw na ang tunog ng tila higanteng telepono. “Kring-g-g-g! Kring-g-g-g! Kring-g-g-g!” Uwian na.
Ang mga kaklase ko, pati na ang iba pang mga estudyante, ay tila mga manok na nagpulasan mula sa aming mga silid-aralan. May kung ilang batang lalaki ang nakatabig sa akin. “Budoy, bilis-bilisan mo naman ang lakad! Naiihi na ako!”, wika ng kapitbahay naming si Toto habang hawak-hawak ang puson nito. Sensya na.
Mabagal ang aking mga hakbang. Iniisip ko kasi na mabibigo na naman akong makasama sa field trip. Hindi pa nakakasuweldo si Tatay. Sabik na sabik pa naman akong makapunta sa Avilon Zoo. Sayang…
Pagkalabas ko sa may tarangkahan ng paaralan, muntik pa akong masagasaan ng traysikel na may halos sampung mag-aaral ang laman. Binulyawan pa ako ng drayber nito. “Hoy! Tumabi-tabi ka!” At humarurot na ito lulan ang isa sa aking kamag-aral na nakangising-aso. Kakaasar!
Inumpisahan ko nang maglakad, sukbit ang halos mapigtal nang hawakan ng aking bag dahil sa sobrang bigat. Nilibang ko na lamang ang sarili ko sa pamamagitan ng pagbibilang ng aking mga hakbang. Terti-two, Terti-Three…
Pero umeksena na naman sa aking isipan ang kabiguang makasama sa field trip. Ang kabiguang makasakay ng aircon na bus at makasama sa mga piktyuran ng aking mga kaibigan. Sayang talaga…
Naisip ko na sana, mag-abroad din si Tatay para marami kaming pera. Para makasama ako sa kahit anong field trip ng paaralan. Katulad ng daddy ni Lena na nasa Middle East o ng nanay ni Bea na nasa Italy. O kaya naman ay kapareho ni Tito Hans na nasa London o ni Tita Grace na nasa Canada. At gaya ni Ate Eunice, kapatid ng nanay ng kalaro kong si King, na kararating lamang mula sa Dubai kahapon. Ang dami-dami nga niyang pasalubong eh. Kaya lang si King, ayaw mamigay ng tsokolate! Ang damot!
At umandar na ng umandar ang imahinasyon ko sa kung ano-ano ang maaaring mangyari kung sakali ngang nag-a-abroad si Tatay. Kasabay niyon ay malalalim na buntong-hininga. Hay…
Kung nag-a-abroad lang si Tatay, e di sana ay may serbis din akong traysikel na magsusundo at maghahatid sa akin mula sa paaralan. Hindi ko na kailangang maglakad ng halos isang oras. Madali pa naman akong hingalin.
Kung nag-a-abroad lang si Tatay, e di sana dalawang set ng uniporme ang aking gagamitin. Tingnan mo nga itong damit ko, ang nipis-nipis na dahil sa kalalaba araw-araw. At halos makita na ang tiyan ko dahil sa iksi. Nagmamakaawa nang palitan.
Kung nag-aabroad lang si Tatay, e di sana nabilhan na niya ako ng bisikleta. Hindi katulad ngayon na para akong asong sunod ng sunod at nagpapauto sa kung sinong gustong magpahiram sa akin. Nakakahingal yata iyon!
Kung nag-a-abroad lang si Tatay, e di sana marami akong baon sa school. Hindi ko na kailangang bagalan ang pagnguya ng kaunti kong pagkain para lamang makita ng mga kaklase kong mayroon akong kinakain. Kung sabagay, busog naman ako sa almusal na inihahanda ni Nanay. Kaya lang, ayoko pa rin ng pakiramdam na parang kinakaawaan.
Kung nag-a-abroad lang si Tatay, siguro ay sari-sari ang aking mga laruan, sapatos at damit. Magpapabili ako ng sapatos na may gulong at umiilaw. Lahat halos ng kaklase ko ay may ganoong sapatos. Magpapabili rin ako ng maluwag na polo shirt, yung anime ang disenyo. At tsaka ng yoyo na original, yung nakakagawa ng iba’t ibang exhibition. Tama! At sasabihin ko rin kay Nanay na ipasyal ako sa Enchanted Kingdom. Sarap!
Kaya lang, ordinaryong manggagawa lang si Tatay dito sa Pilipinas.
Kung nag-a-abroad lang si Tatay…
Namalayan ko na lamang na nasa harapan na pala ako ng aming munting tahanan. Noon ko lamang naramdaman ang pagod. And dami ko kasing iniisip.
Paborito kong tambayan ang aming bubungan kapag ako’y may paghihimutok na nararamdaman. Kaya’t pagdating ng hapon, umakyat ako doon. Naalala ko ang eksena namin ni Tatay noong nakaraang linggo. Pinatulong niya ako para tagpian at masilyahan ang mga butas sa yero ng bahay namin. Tag-ulan na naman kasi.
At isa-isa nang pumarada sa isip ko ang iba pang mala-pelikulang tagpong magkasama kami ni Tatay.
Noong bago magpasukan, binilhan niya ako ng sapatos doon sa baratilyo sa bayan. Hindi nga lang umiilaw kasi mumurahin lang. Pero sabi ni Tatay, ang mahalaga raw ay mayroon akong isusuot dahil siya raw noong maliit siya, naka-tsinelas lang siya pag pumapasok sa eskwelahan. Minsan pa daw, hindi magkaparehas ang mga iyon.
Tuwing umuulan, gumagawa kami ng kalabaw na yari sa putik. Pinapayagan din niya akong maligo sa ulanan, gamit ang alulod ng bubungan na parang shower. Kapag walang pasok, naghahanap kami ng salagubang sa may duhatan o naninirador ng bunga ng mangga. At kahit simpleng kung ano-ano ay nagagawa niyang maging laruan – takip ng garapon, karton ng kape, o lata ng gatas. Madali rin lang naman daw masira yung mga plastic na laruan na nabibili sa palengke.
May pagkakataon ding sinasabayan ako ni Tatay sa paglalakad papuntang eskwelahan. Kapag may nasasalubong kaming nagtitinda ng taho o puto, binibilhan niya ako para daw lalo akong ganahang mag-aral. At madalas, natatawa siya sa akin dahil bumababa ang maluwag kong medyas. Asahan ko daw na sa Pasko, bibilhan niya ako ng limang pares.
Tuwing may parada sa bayan, niyayaya niya ako. Pinapasan niya ako sa kanyang balikat para makita ko ang musiko, ati-atihan o ang mga higantes. Tapos, binibilhan niya ako ng hamburger, yung walang cheese kasi may dagdag na bayad daw iyon eh. Habang nagbibiyahe pauwi, kukuwentuhan niya ako ng kukuwentuhan para ako’y malibang. Nahihilo at nagsusuka kasi ako sa dyip.
Tinuturuan din niya ako sa aking mga aralin, lalo na sa Math. Matalino daw si Tatay sabi ni Lolo, kaya lang hindi na siya nakatuntong ng kolehiyo. Binabasahan din niya ako ng mga kuwentong mula sa Bibliya. Pati ng mga kuwento tungkol kay Juan Tamad, sa Ibong Adarna, at kay Bernado Carpio, ang dami niyang alam! Ikinuwento pa raw iyon sa kanya ng lola niya noong bata pa siya.
Minsan, isinumbong ni Nanay kay Tatay na umuwi raw akong umiiyak. Natalo kasi ako noon sa paligsahan sa paaralan. Nagtago ako sa gilid ng aming papag. Hiyang-hiya ako kasi sabi ng mga tito ko, bawal daw sa lalake ang umiyak. Pero sabi ni Tatay, okey lang daw umiiyak. Nilikha raw ng Diyos ang luha para gumaan ang ating pakiramdam. At dapat ko raw matutunang tumanggap ng pagkatalo. Dahil imposibleng mangyaring ako ang laging magiging numero uno.
Nangingiti ako habang inaalala ang mga pagkakataong iyon. Ramdam ko na mahal na mahal ako ni Tatay. Pero nakadama ako ng lungkot nang maiisp ko kung gaano ko siya mami-miss kung sakaling aalis siya papuntang abroad. Ayoko na yatang umalis ang Tatay. Malulungkot ako…
Kaya lang, kung nandito lamang si Tatay sa Pilipinas, paano ang mga pinapangarap kong bagay? Ang mga sapatos, damit at laruan na matagal ko nang inaasam-asam? Ang mga field trip na gusto kong samahan at mga lugar na nais kong puntahan? Paano iyon…
Hindi bale na. Hindi bale nang walang traysikel na maghahatid-sundo. Hindi bale nang iisang pares lang ang uniporme. Hindi bale nang wala akong sariling bisikleta o sapatos na may gulong. Hindi bale nang kakaunti ang baon sa school. Basta ang mahalaga, nandito siya kapiling namin.
Ayoko nang mag-abroad si Tatay…
Kinagabihan, inabangan ko ang pagdating ni Tatay. Inihanda ko ang kanyang sapin sa paa. Ininit na rin ni Nanay yung ulam para daw ganahan si Tatay kumain pag-uwi. Pero ilang sandali na ang lumipas, wala pa rin kahit ang mga yabag niya. Nagkuwentuhan muna kami ni Nanay.
Tinanong ko si Nanay kung paano sila nagkakilala ni Tatay. Magkababata pala silang dalawa. Nag-usisa rin ako kung ano ang mga naging karanasan nila noong maliit pa ako. Buong giliw naman siyang nagkuwento.
Nalaman ko na sinubukan na pala ni Tatay noon ang makipagsapalaran sa ibang bansa. Isang sikat na iskultor daw ang nag-alok sa Tatay upang magtrabaho sa Guam. Natuto raw si Tatay sa paglililok nang kunin itong trabahador sa pag-ukit ng kalabaw sa may Luneta. Nakita raw ng iskultor ang kakayahan ni Tatay kaya’t nang nagkaroon pa ito ng iba pang proyekto, lagi na nitong kinukuhang katulong si Tatay.
Kasama raw si Tatay sa pag-ukit ng mukha ni Marcos na nasa bundok ng Ilocos, ng disenyo sa labas ng Marikina City Hall, at ng ulo ng liyon sa may Kennon Road. Pati na ng mga murals sa Barrio Fiesta, kasama rin siya sa paggawa. Ang galing pala ni Tatay!
Dalawang taon pa lamang daw ako noon. Noong gabi bago umalis si Tatay papuntang Guam, nakita raw ni Nanay na umiiyak si Tatay habang minamasdan akong natutulog. Bigat na bigat daw ang kalooban nito sa pag-alis. Ni hindi na nga raw ako pinasama sa paghatid sa airport.
Sa Guam, labis-labis daw ang kalungkutang nadama ni Tatay. Hindi raw maibsan ng mga sulat at litrato ang kasabikan nito sa kanyang pamilya. Kaya’t pagkalipas lamang ng tatlo’t kalahating buwan, nagpasya na itong umuwi. Ang sabi daw ni Tatay, magsisikap na lamang daw siyang maitaguyod kami dito sa Pilipinas. Kawawa naman pala si Tatay.
Ilang sandali pa ay dumating na rin si Tatay. Traffic daw sa may bayan dahil may banggaan. Sumabit na nga lang raw siya sa dyip. Kinuha ko ang palad niya upang magmano. Nadama ko ang kalyo sa palad niya. Magaspang. Pero alam kong tanda iyon ng kanyang kasipagan at pagsisikap upang itaguyod kaming lahat. Hinimas naman niya ang aking ulo. Gawi niya ito tuwing darating. Pagpapakita niya ito ng paglalambing.
Minasdan ko siya. Maraming nagsasabing magkahawig daw kami. Maputi nga lang daw ako kasi nagmana ako ng kulay kay Nanay. Nakangiti siya bagama’t mahahalata mo pa rin ang kapaguran sa kanyang sunog na mukha. At iniaabot niya sa akin ang tatlong piraso ng kulay lilac na pera. “O Budoy, pambayad mo sa field trip. Binigyan ako ng paunang bayad ni Mrs. Valdez para sa gagawin naming monumento sa may plaza.”
Walang salitang namutawi sa aking bibig. Wala akong mahagilap na salita para mapasalamatan si Tatay. Mapasalamatan siya hindi dahil sa makakasama na ako field trip sa Avilon Zoo. Bagkus, nais ko siyang pasalamatan dahil sa hindi niya ipinagkait sa akin ang magkaroon ng isang ulirang tatay. Ipinadama niya sa akin ang pagmamahal na hindi matutumbasan ng kahit na ano pa mang karangyaan.
Tumindig ako at sinaluduhan si Tatay. Natawa silang dalawa ni Nanay.
Mabuti na lamang at hindi nag-a-abroad si Tatay…
1 comments:
Kuya Unyo, ang galing mo palang magsulat. Na inspire tuloy ako... God Bless.
Post a Comment