Minsan naman, hindi mo namamalayan kapag umiiyak ako sa gabi habang tinitingnan ko ang mukha mo. Nagpapasalamat kasi ako sa Panginoon dahil ipagkatiwala ka Niya sa akin. Minarapat niya akong maging karapat-dapat upang magpalaki ng isa sa kanyang nilikha. Ikaw iyon, anak.
Alam mo, maraming itinuturo sa akin ang aking Ama sa langit sa pamamagitan mo. Hayaan mong isa-isahin ko ang mga ito sa iyo.
Hindi ba tinuruan kitang tumayo sa palad ko nang hindi humahawak sa aking ulo.? Sa halip, sinasabi ko sa iyo na humawak ka sa tenga o sa ilong mo. At sinusunod mo naman ako. Tapos, babalansehin kita sa kamay ko. Hindi ka natatakot. Lubos ang tiwala mo sa akin. Alam mong hindi kita hahayaang mahulog. Kasi mahal na mahal kita. Katulad ng pagtingin ng Panginoon sa akin. Ang sabi Niya, “Subalit wala kahit isang mayang nahuhulog sa lupa nang hindi namamalayan ng inyong ama (Mateo 10:29b).” Kaya’t hindi rin ako dapat matakot sa anumang pagsubok. Nariyan lagi ang Panginoon upang sumalo sa akin.
Sa tuwing may kukuha sa iyo habang karga-karga kita, umaatungal ka. Tinatawag mo ako upang bawiin kita sa kanya. Kasi hindi mo sila kilala. Kakaiba sa iyo ang amoy nila. Kapag nasa dibdib kita, payapa ka. Nakakatulog ka pa. Kasi nga, tatay mo ako. Alam mong ligtas ka sa piling ko. Katulad ng pagtingin ko sa Panginoon. Payapa ako sa init ng pakpak niya. Kaya niyang payapain ang aking isipan at patahanin kung ako man ay may dinaramdam. Kaya nga ba’t ayokong mawalay sa Kanya ni saglit man.
Minsan, mayroon kang gusto kang kainin o bagay na gustong paglaruan. Na ipinagkakait ko sa iyo. Tapos, iiyakan mo ako ng pagkalakas-lakas. Na para bang mamamatay ka kapag hindi mo ito nakamtan o nahawakan man lamang. Hindi mo lang alam na hindi iyon makabubuti sa iyo kaya hindi kita pinagbibigyan. Natatawa nga ako minsan kasi nakikita ko ang sarili ko sa iyo. May mga bagay kasi na hindi pinapayagan o minsan ay binabawi Niya sa buhay ko. Na ikinalulungkot ko. Siguro sabi ng Panginoon, “Anak naman, maliit na bagay lamang iyan. Hindi iyan ang plano ko sa iyo. May mas malaking bagay akong inilalaan.”
Kapag may ginawa kang bagay na ipinagbabawal namin, alam mo bang minsan ay gusto kong umiyak habang pinapalo kita. Kasi masakit para sa akin na makita kang gumagawa ng masama. Hindi ko na alam minsan kung paano ipauunawa sa iyo ang dapat at hindi dapat. Nagtatampo ka pa minsan. “May pagkukulang ba ako sa iyo?”, ang tanong ko sa aking sarili. Maaari, iyon din ang tanong ng Panginoon kapag nagkakamali ako. Alam ko na nasasaktan din siya sa mga mali kong gawi. Nararamdaman ko kung paano madurog ang puso ng isang Ama sa kasalanang ginagawa ng kanyang mga anak, ang tao. Pero ganoon pa man, handa pa rin siyang magpatawad at magbigay ng kung ilang ulit na pangalawang pagkakataon. Kaya’t niyayakap din kita para iparamdam sa iyo na mahal pa rin kita sa kabila ng kasalanang ginawa mo.
Mayroon akong nakilalang isang tatay noon na sumulat sa kanyang hindi pa naisisilang na anak ng ganito: “Kung maaari lamamg akong pagbigyan ng Diyos, hihilingin ko na huwag ka nang iluwal ng nanay mo. Kasi, mahirap ang mabuhay sa mundo. Malupit ang mga tao. Ayokong danasin mo ang mga ito.” Anak, totoo ang binabanggit ng sumulat. Pero maaaring nakalimutan niya na mayroon tayong Panginoon na sa tuwina’y nasa ating tabi. Ang mga mumunti mong halakhak ang nagsasabi nito. Napakasimple ng buhay mo. Ang sabi ng Panginoon, gayahin raw namin ang mga batang kagaya mo. Sige nga, anak, magkilitian tayo.
Anak, maaaring hindi mo pa lubos na nauunawaan ang mga bagay-bagay na binabanggit ko . Pero tanggapin mo ang aking pasasalamat. Sa pagbibigay mo sa akin ng pagkakataon upang lalong maunawaan ang damdamin ng ating Ama para sa kanyang pinakamamahal na anak. Hayaan mo at gagawin namin ng iyong nanay ang lahat upang maipadama din sa iyo ang uri ng pagmamahal na ibinibigay sa amin ng Panginoon. Umasa ka anak.
Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil naging bahagi kayo ng aking buhay. Anak, ipinapanalangin ko na mapalaki naming kayo ng may takot at pagmamahal sa Kanya. Bukod doon, wala na akong ibang hihilingin pa.
Tatay
* Koinonia - Year 2000
2 comments:
very touching.
maswerte ang mga anak mo.
=)
your blog is so nice... its very natural. we'll wait for your another inspirational stories (another chapter of your life)... GODBLESS☺
Post a Comment