21 May, 2010

Addie



Matagal na panahon na rin ang lumipas mula ng tayo ay nagkawalay. Pero naaalala pa rin kita - ang ating masasayang sandali, gayun din ang mga pagsubok na pareho nating pinagdaanan noon. Siguro ganoon talaga. Hindi basta-basta nalilimutan ang mga bagay na naging bahagi na ng buhay mo.

Natatandaan mo noong una tayong magkita at magkasama? Hindi pa kita lubos na kilala noon. Basta ang sabi lang nila, marami nang nagdaan sa buhay mo. Kawawa ka naman. Inayawan ka na nung mga dating nagmay-ari sa iyo. Kaya sa akin ka napunta.



Pero masaya ako dahil naging tayong dalawa. Minahal kita. Alam mo iyon. Kahit sabihin pa nila na mukha kang luma, hindi ko pinapansin iyon. Basta ang alam ko, masaya ako kapag kasama kita. Nasasabik ako sa tuwing magkikita tayo.



Kilalang-kilala mo ako. Maraming bagay ang naranasan ko na hindi batid ng marami. Pilit ko mang ipaliwanag at ikuwento sa iba, ang aking mga takot at pangamba, ang aking kagalakan at pagbubunyi, hindi nila maunawaan. Pero ikaw, alam na alam mo ang mga iyon. Ikaw kasi ang kasa-kasama ko noong mga panahong iyon.


Noong mga unang araw na magkasama tayo, kita-kitang ang excitement sa mukha ko. Ni hindi nga mawala-wala ang ngiti sa mukha ko. Nagtataka tuloy yung mga tao kasi akala nila, nginingitian ko sila. Eh ganoon talaga, nag-uumapaw ang aking kasiyahan.



Kasama kita sa excitement kapag may nagagawa akong mga bagay na datirati’y hindi ko nakakayanang gawin. Kasama kita sa mga maliliit kong tagumpay. Maaaring sabihin ng iba, “Para yun lang?!” Pero alam mong pinaghihirapan ko ang mga iyon. Salamat sa pagsama mo sa akin.




Naramdaman mo rin ang lungkot ko noong minsan na hindi ko makayanang gawin ang itinuturo sa akin. Pakiramdam ko noon, susuko na ako. Kapag pinaghihinaan ako ng loob, alam mo iyon. Batid mo ang kaba sa dibdib ko kapag humaharap ako sa pagsubok. Dinig mo ang mga buntong hininga ko.



Kasabay kita sa pag-awit ng malakas habang naglalakbay sa kung saan. Hindi ako nahihiyang sabayan yung tugtog sa radyo, kahit nasisintunado na ako minsan. Wala namang ibang nakakarinig kundi ikaw. Uy, huwag mong ikukuwento sa iba ha. Sikreto natin iyon.




Natatandaan mo nung nasita tayo ng pulis sa Cubao? Pati na yung nasabit ka ng isang pampasaherong jeep sa Aurora Blvd.? Grabe ang kaba ko noon. Nung bumitin tayo sa may Banaba, Ampid at sa Aurora? Na-overcome ko na yung kahinaan ko na iyon! Pero yung sa parking, nung nagalusan ka, sising-sisi ako noon. Pasensya na ha. Alam mo, hanggang ngayon, hindi ko pa rin iyon nama-master. Patuloy pa rin akong nagsasanay sa bagay na iyon.




May mga nakikita akong kamukha mo minsan. Kakulay at kaporma mo. Kumakabog tuloy ang dibdib ko. Akala ko kasi talaga ay ikaw ‘yun. Sino kaya ang nagmamay-ari sa iyo ngayon? Inaalagaan ka rin ba niya katulad ng pagkalingang ibinibigay ko sa iyo noon.





Marami-rami at malayo-layo na rin ang aking nararating ngayon. Mas marami na rin akong nalalaman patungkol sa paglalakbay. At iba na rin ang aking kasa-kasama ngayon. Huwag kang magseselos ha. Pero naalala pa rin kita. Sayang, wala man lang tayong picture na dalawa. Hay, nami-miss na talaga kita.




Nasaan ka man, sana naaalala mo pa rin ako. Hinding-hindi kita malilimutan. Kapag nagkita tayo sa lansangan ng Metro Manila, batiin mo naman ako ha. Businahan mo ako ng malakas! Beep-beep!

Addie, salamat sa mga alaala.



Panawagan: Kung sino man ang nakakakilala kay Addie (WLN-390, White Nissan Admax) mangyari lamang pong makipag-ugnayan sa blog na ito.



Note:

Pictures taken from Doña Nena’s Beach Resort in Laiya, San Juan, Batangas. (Salamat po, Mang Tony!).

Going there, driving a pick-up for almost eight hours (because of the fire blaze along SLEX), was my “breaking-in” in terms of driving. My wife was beside me, silently praying (and secretly sleeping afterwards). When we finally reached our destination, my fist & toes were already hurting and my head & legs were aching. Whew! But I gained more confidence. I was ecstatic as I hear the congratulatory remarks of my officemates. “Thank you, Lord!”


Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...