“Simpleng buhay na kay sigla. Mayroong lungkot, mayroong saya.”
Titik mula sa isang awiting pinasikat ni Ariel Rivera. Himig na inaawit ko sa tuwing aking maiisip na ako nga ay naririto na at nagtatrabaho sa RPLAI – isang simpleng kumpanya para sa isang simpleng taong katulad ko.
Sa RIZAL, hindi nga kataasan ang suweldo subalit sulit naman dahil sa lapit. Sa dati kong trabaho, medyo malaki nga ang aking natatanggap, talo ka naman sa pamasahe. May mga araw na na hindi ako makapasok dahil kulang na ang hawak kong pera. Ang porma pa ng bihis ko noon – naka-long sleeves o naka-barong. Wow, hanep ng dating! Pero kung sisilipin mo ang aking pitaka, wala itong laman kung hindi ID, calling cards, at wala na. Mangungutang na naman ako ng pera para may pang-brunch (breakfast and lunch combined) at pamasahe pauwi. It was very humbling!
Dati rati, halos tatlong oras akong nagbibiyahe patungo sa kumpanyang aking pinapasukan. Nariyang makatulog ako sa FX dahil sa tindi ng traffic. Minsan naman, halos mamanhid na ang aking binti dahil sa sikip at tagal ng paglalakbay. Napaka-insensitive pa ng katabi ko (Miss, puwedeng makiusog ng kaunti?!!!) Muntik pa akong magkaroon ng sakit sa bato dahil sa pagpipigil ng pag-ihi (‘Nay ko po, traffic na naman!). Ang uniform ko na pinaghirapang plantsahin ng aking asawa ay lukot na pagdating ko ng opisina. Whew! Ang dami kong hirap na dinanas nang nagdaang mga taon.
Ang pagkakapasok ko sa RIZAL ay nagbigay sa aking pamilya ng kaayusan. Maaga akong nakakauwi. Nakakapagkuwentuhan kami ng misis ko. Nakakalaro ko ang mga inakay ko. Wala na sigurong ibang bagay ang makahihigit doon. Sa umaga, nalalabhan ko pa ang kumot na naihian ng anak ko. Nakakasalo ko pa sa kape ang bunso ko. Nakaka-kiss pa ako kay misis pag-alis ko. Pag-uwi, puwede ko pang dalhin sa tindahan ang mga anak ko upang ibili ng kung ano-ano. Ito lang naman ang kaligayahan ko – ang makitang masaya ang aking kabiyak at ang mga batang ipinagkatiwala ng Diyos na maging bahagi ng buhay ko.
Wala akong yaman na katulad ng sa iba. Hindi ko alam gamitin ang cellphone dahil wala ako niyon. Wala akong honor pagka-graduate ko. Hindi pinapansin ng mga talent managers ang hilatsa ng mukha ko. Pero may pamilya ako na nagawa kong pakainin at bihisan ng maayos. Ang pagiging buo pa rin namin ay hindi matatawaran. Sila ang tanging karangalang maipagmamalaki ko. Kaya’t hindi ko hahayaang masira ito. Sila ang aking tropeo na magpapatunay na may saysay ang paglalakbay ko dito sa mundo.
Sa pagkakapadpad ko dito sa RIZAL, ako ay muling naging buo. Ang galak ay muli kong natikman. Ang pag-asa ay muli kong nasilayan. Ang hirap nang nagdaan ay dagli kong nalimutan. Ang guhit sa aking noo ay napawi nang tuluyan. Ang pagpapasalamat ay muling naramdaman. Hindi tulad noon na ang pagngiti ay tila ba aking nalimutan. Ngayon, bawat oras ay nais kong magsayaw (You should see me dance). I feel so free!
RIZAL, salamat sa iyong pagtangap sa aking hamak na kalagayan. Asahan mong ibibigay ko ang lahat ng aking makakayanan. Ang talino at lakas ay patuloy na ibabahagi sa iyo. Ito ay sukli ko sa pagbibigay mo sa akin ng daan upang ako at ang aking pamilya ay mamuhay sa kapayakan. Payak ngunit may kabuluhan. Payak ngunit may kasiyahan. Ito ang iyong kahalagahan sa aking buhay at maging sa aking pamilya.
“You’ve brighten my day, you’ve shown me my direction.
You’ve come to and given me inspiration…”
You’ve come to and given me inspiration…”
Note:
The article was written ten years ago, for the essay writing contest of RiPLAI with the theme “Ano Ang Kahalagahan Ng Rizal sa Aking Buhay at Sa Aking Pamilya”. This was during the 25th anniversary celebration of the company. I won first place. I am celebrating today my 10th year with the company.
The pictures were taken at SM Mall of Asia. Ten years ago, when the said huge piece of land was still empty, when they were still building the foundations of the enormous mall, I was able to visit the area, with some officemates (I used to work on a company located on the same reclaimed area of the Manila Bay). Man, I marvel at how beautiful it has become!
The article was written ten years ago, for the essay writing contest of RiPLAI with the theme “Ano Ang Kahalagahan Ng Rizal sa Aking Buhay at Sa Aking Pamilya”. This was during the 25th anniversary celebration of the company. I won first place. I am celebrating today my 10th year with the company.
The pictures were taken at SM Mall of Asia. Ten years ago, when the said huge piece of land was still empty, when they were still building the foundations of the enormous mall, I was able to visit the area, with some officemates (I used to work on a company located on the same reclaimed area of the Manila Bay). Man, I marvel at how beautiful it has become!